LTFRB: Transport strike, ‘di gaanong ramdam dahil sa pagkakaisa ng mga ahensya ng gobyerno at LGUs

QUEZON CITY — Maliit lang ang naging epekto ng ikinasang transport strike ng ilang grupo kahapon, ika-30 ng Setyembre 2019.

Ayon kay Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) Chairman Atty. Martin Delgra III, bukod sa kakaunti lamang ang lumahok sa welga, maganda ang ibinunga ng pagtutulungan ng mga ahensya ng gobyerno at local government unit (LGU).

Pagkakaisa para sa modernisasyon

Ipinunto ng tagapamuno ng LTFRB na ‘di gaanong naramdaman ang epekto ng transport strike dahil naging maigting ang pagpapatupad ng contingency measures tulad ng libreng sakay, karagdagang bus units, kanselasyon ng klase, at mahigpit na enforcement sa mga pangunahing kalsada.

Naging posible ito dahil sa pagkakaisa ng LTFRB, Department of Transportation (DOTr), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Land Transportation Office (LTO), PNP – Highway Patrol Group (PNP-HPG), Inter-Agency Council on Traffic (i-ACT) at mga lokal na pamahalaan.

Inihayag din ng LTFRB Chairman na nakatulong sa positibong pagtugon sa welga ang mga sumusuportang transport group at cooperative.

“Nakatulong ang mga dayalogo natin sa mga transport group at cooperatives nationwide sa tulong na rin ng Modern PUV Caravan. Sa katunayan, walang nakilahok na mga operator at driver sa Regions II, VI, VII, VIII, IX, X, XI, XII at CARAGA,” dagdag pa ni Chairman Delgra.

Kabilang sa mga tinalakay sa mga nakaraang dayalogo ang paglilinaw ng LTFRB kaugnay ng mga benepisyo ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP), kabilang na ang pagbuo ng mga kooperatiba, consolidation ng franchises, 5-6-7 loan schemes kasama ang PhP80,000 na subsidyo ng gobyerno kada unit.

“Kung bibigyan lang nila ng pagkakataon ang programa, makiisa at dumalo sila sa mga dayalogo at pagtitipon na inilulunsad ng gobyerno gaya ng Modern PUV Caravan, Tsuper Iskolar at iba pa, makikita nila na ang programang ito ay para talaga sa ikabubuti ng buong sistema. Hindi po ito anti-poor dahil bubuti ang kanilang kabuhayan sa ilalim ng PUVMP,” paliwanag ni Chairman Delgra.

Giit ng LTFRB, tuloy na tuloy ang implementasyon ng PUVMP upang iangat ang antas ng road transport services para sa ikabubuti ng mga commuter, PUV stakeholders, gayundin ng ating kapaligiran. Isa kasi sa mga isinusulong ng programa ang striktong pagsunod sa Republic Act No. 8749 o mas kilala bilang ang Philippine Clean Air Act.

Panig ng mga kapwa PUV operators at drivers

Sa isang press conference, nagpahayag din ng suporta ang mga transport cooperative gaya ng Libra TSC, Common TSC, Taguig TSC, Pateros TSC, Basicano TSC, at Pasang Masda JDOSI para sa modernization program.

“Kung ano ang problema, puntahan ang tanggapan ng DOTr at LTFRB at mag-usap sapagkat ito ang makakapagbigay ng solusyon. Hindi po kalye ang makapagbibigay ng solusyon. Marami tayong naperwisyo na mananakay pati ang mga driver hindi kumita sa araw na ito dahil doon sa maling hakbang nilang ginagawa. Maaari tayong makipag-ugnayan sa mga otoridad upang masolusyunan ang problema,” mensahe ni Obet Martin ng Pasang Masda JDOSI sa mga kapwa niya tsuper at operator.

Pinabulaanan din ng Pasang Masda JDOSI ang mga alegasyong mahirap ang pagproseso ng loan sa bangko para sa pagkuha ng mga modern PUV unit.

“It’s so easy to apply! Nag-apply kami, nag-comply kami, naaprubahan kami. Intindihin kasi nila ang binabasa nila at ang hinihingi ng bangko. Kooperatiba or korporasyon ang uutang at hindi indibidwal,” paglilinaw ni Martin.

Show cause order, nakatakdang ilabas

Samantala, muling nagpaalala ang LTFRB na hindi mag-aatubili ang ahensya na magkansela ng prankisa ng mga operator na mapatutunayang lumahok sa welga kahapon. Batay sa datos ng LTFRB, bukod sa 200 bus units ng Jell Transport at Corinthian Liner na tinanggalan ng prankisa nang mapatunayang nakilahok ang mga ito sa tigil-pasada noong 2010, mayroon ding 25 prankisa ng mga jeepney operator ang kinansela ng ahensya kamakailan.

Ngayong araw, nakatakdang maglabas ng Show Cause Order ang LTFRB para sa mga operator na napatunayang nakilahok sa welga kahapon.

Popular

PBBM unbothered by dip in ratings, decline due to fake news – Palace

By Darryl John Esguerra | Philippine News Agency On Monday, April 21, Malacañang said President Ferdinand R. Marcos Jr. remains focused on governance despite a...

PBBM decries ‘gangster attitude’ over road rage incidents

By Darryl John Esguerra | Philippine News Agency President Ferdinand R. Marcos Jr. on Monday denounced what he described as a growing culture of aggression...

Palace hails PH humanitarian team for Myanmar quake response

By Darryl John Esguerra | Philippine News Agency Malacañang commended members of the Philippine Inter-Agency Humanitarian Contingent (PIAHC) who returned Sunday evening from a mission...

AFP welcomes ‘West PH Sea’ inclusion on Google Maps

By Brian Campued The inclusion of the West Philippine Sea (WPS) on Google Maps further asserts the country’s internationally recognized sovereign rights over its maritime...