PR
Patuloy ang pamamahagi ng cash assistance ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) para sa mga pamilya ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers na hindi nakakabiyahe dahil sa enhanced community quarantine na dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa tala na binigay ng Landbank of the Philippines (LBP) sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), 849 na tsuper sa Metro Manila ang nakatanggap na ng ayuda simula kahapon, 06 April 2020.
Sa kabuuan, nasa P6,792,000 milyon na halaga ng cash assistance ang naipamahagi na ng DSWD sa ating mga tsuper.
Nakikipag-ugnayan naman ang LTFRB at DSWD sa tuloy-tuloy na pagbuo ng listahan ng mga kasali sa programa. Araw-araw maglalabas ang ahensya ng listahan ng mga tsuper na pwedeng makakuha ng ayuda.
Patuloy na paalala ng LTFRB na bisitahin ang aming Official Facebook Page at website upang makita ang updated na listahan ng mga kwalipikado sa SAP.
Oras na makita ang inyong pangalan sa listahan ng mga benepisaryo, mangyari lamang na pumunta sa pinakamalapit na branch ng LBP para makuha ang cash assistance. Bukas ang ilang LBP branches mula 8:30AM hanggang 3:00PM, Lunes hanggang Biyernes.
Huwag kalimutan dalhin ang inyong driver’s license at photocopy nito, kasama ang dalawang pirma sa photocopy, upang makuha ang cash assistance.
