Mas maraming OFW mapapauwi ng DOLE sa pinalawig na amnestiya ng Saudi

via Marie Pauline Requesto

Inaasahang mas maraming stranded at undocumented na overseas Filipino workers ang mapapauwi ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa tulong ng pinalawig na amnestiya na ibinigay ng Saudi Arabia.

Ayon kay Undersecretary Dominador Say, 600 pang mga stranded at undocumented OFW sa nasabing bansa ang mapapauwi ng gobyerno sa mga susunod pang linggo.

“Patuloy ang aming hakbangin sa pagpoproseso ng mga travel document ng mga stranded na OFW sa Saudi. Hinihikayat namin sila na samantalahin ang pagpapalawig ng amnestiya at agad na magpatala para dito at kami na ang bahala sa proseso ng pagpapauwi sa kanila,” wika ni Say.

Matapos na isapinal ang mga iskedyul ng flight sa mga opisyal ng Philippine Airlines, sinabi ni Say na mayroon nang 600 OFW mula sa Riyadh, Saudi Arabia ang napauwi na sa bansa mula noong Hulyo 7 hanggang 9.

Liban sa nasabing bilang, sinabi pa ni Say na mayroon pang 400 OFW sa Saudi ang nakapagpatala sa amnestiya subalit nakabili na marahil ng kanilang sariling tiket pabalik sa Pilipinas dahil mawawalan na ng bisa ang kanilang visa at ang iba naman ay nakahanap na umano ng bago nilang employer at nagdesisyong manatili na lamang sa Middle East.

“Hinihintay na lang namin ang mga mapapauwing OFW mula sa Jeddah at nagkaroon na rin ako ng pulong sa Philippine Airlines upang agad na silang maibalik sa Pilipinas,” paliwanag ni Say.

Sa kabilang dako, lubos na hinihikayat ni Say ang mga natitira pang stranded at undocumented OFW sa Saudi na samantalahin ang pinalawig na amnestiya dahil sa oras na matapos na ang programa ay agad ring magsisimula ang paghuli at pag-aresto ng mga otoridad ng Saudi sa mga hindi dokumentadong dayuhan.

“Ang ibang OFW ay pinili na lamang manatili muna sa Saudi dahil maaari pa aniya silang makapagtrabaho at makaipon ng pera sa loob ng isang buwan bago sila lumipad pabalik ng bansa. Ang iba naman ay hindi kuwalipikado sa amnestiya tulad ng mga mayroong kaso at ibang paglabag sa batas. Para naman sa mga kuwalipikadong OFW, sana ay magparehistro na sila at hayaan ang ating pamahalaan na mapauwi sila ng ligtas,” dagdag pa ni Say.

Sinabi pa ng opisyal ng DOLE na nagpadala na si Labor Secretary Silvestre H. Bello III ng augmentation team sa Saudi upang makatulong sa mga OFW na kukuha ng amnestiya at mapabilis ang pagpoproseso ng kanilang papeles. Ang grupo ay nakaalis na noong Hulyo 11.

Umaasa naman si Say na mas palalawigin muli ng gobyerno ng Saudi ang amnestiya upang mas marami pang OFW ang mapauwi ng DOLE sa bansa.

Magugunitang nagtapos na ang pagpapatupad ng 90-day amnesty program ng Kingdom of Saudi Arabia para sa mga undocumented na dayuhan na may temang “A nation without violators” noong Hunyo 25, 2017. Gayunman, upang mas mabigyan ng pagkakataon ang mga dayuhan na makaalis ng legal sa nasabing bansa ay pinalawig pa ng Saudi ang pagpapatupad ng amnestiya ng hanggang 30 araw at inaasahan itong magtatapos sa Hulyo 24, 2017.

Popular

PBBM orders release of P1.3 trillion budget to boost social services, disaster recovery efforts

By Dean Aubrey Caratiquet Consistent with the government’s efforts to uplift Filipinos’ lives even in the face of calamities, President Ferdinand R. Marcos Jr. directed...

PBBM orders preps for incoming storm, probe into other causes of massive floods in Visayas

By Dean Aubrey CaratiquetWith an upcoming storm set to enter the Philippine area of responsibility (PAR) within the next few days, President Ferdinand R....

OP extends P760M cash aid to 38 ‘Tino’-hit areas

By Brian Campued President Ferdinand R. Marcos Jr. has ordered the release of P760 million in cash assistance from the Office of the President (OP)...

PBBM urges gov’t offices to refrain from hosting lavish Christmas celebrations

By Dean Aubrey Caratiquet Recognizing the plight of Filipinos who have been affected by successive natural disasters across the archipelago, President Ferdinand R. Marcos Jr....