Muling pinayagan ng IATF-EID nitong Huwebes (Abril 29) ang pagbubukas ng borders ng Pilipinas sa piling mga dayuhan mula Mayo 1.
Ayon sa bago nitong resolusyon, sakop nito ang mga dayuhang dati nang pinayagang makapasok sa bansa. Nagpatupad ng travel ban ang gobyerno nito lamang Marso 22 sa kabila ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Nakasaad sa bagong resolusyon ang mga sumusunod na kondisyon:
- May valid at existing visa sa oras ng pagpasok sa Pilipinas, maliban na lamang kung ang pasahero ay kasama sa Balikbayan Program;
- May pre-booked accommodation na hindi bababa sa 7 araw sa mga pasilidad na pinayagang mag-operate;
- Ang dayuhan ay sasailalim sa RT-PCR testing sa kanyang ika-anim na araw sa isang quarantine site;
- Nakasalalay rin ito sa maximum capacity ng inbound passengers sa oras at lugar ng kanilang pagpasok sa bansa.
Inatasan ang Bureau of Immigration na gumawa ng patakaran ukol sa muling pagpayag sa mga dayuhang pumasok sa bansa.
Nilinaw naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na ang travel ban na ipinatupad para sa India ay mananatiling epektibo. – OPS/AG-jlo