By Leo Sarne | Radyo Pilipinas
Umakyat na sa 20 ang iniulat na nawawalang mga sabungero.
Ayon sa Philippine National Police (PNP), sa pag-iimbestiga nila sa unang 10 sabungero na iniulat na nawawala mula sa Laguna at Maynila noong Enero 13, 10 pang sabungero mula sa Bulacan ang natuklasan nilang walong buwan nang nawawala.
Base sa impormasyong natanggap, ang 10 nawawalang sabungero sa Bulacan ay nanggaling din umano sa kaparehong cockfighting arena sa Sta. Cruz, Laguna na pinuntahan din ng ibang sabungerong nawawala.
Nabatid na unang napaulat ang apat na sabungerong nawawala sa Sta. Cruz noong Enero 13.
Sinundan ito ng isa pang insidente ng anim na sabungerong nawala sa Maynila sa kapareho ring araw.
Paliwanag ni PNP Chief Gen. Dionardo Carlos, sinisilip na nila ang pattern sa insidente. Inaalam din nila kung may sindikato nga ba sa likod ng pagkawala ng mga sabungero. (Radyo Pilipinas) -ag