By Christine Fabro
Sa pinakahuling tala ng Department of Health (DOH) at National Task Force (NTF) Against COVID-19, mahigit isang milyong senior citizens ang nabakunahan na, at halos 200,000 dito ay nakatanggap na ng second dose ng bakuna laban sa COVID-19.
Kaugnay nito, iminumungkahi ng National Commission on Senior Citizens (NCSC) Chairperson Atty. Franklin Quijano na payagan na ang mga fully-vaccinated senior citizens na magtungo sa mga essential establishment kahit sa unang dalawang oras ng operating hours ng mga ito sa umaga.
Ang paglalaan aniya ng safe spaces para sa mga lolo at lola ay mahalaga sa kanilang psychological at mental health.
Dagdag pa nito, maari pa raw itong makatulong sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.
“Kung kami lang ang papayagan inside the malls, the grocery stores, and the pharmacies for the first two hours in the morning, we know that we’ll be able to spend and rebound this economy, and more than that, we will also be able to exercise a bit,” saad ni Quijano sa Laging Handa public briefing noong Mayo 31.
Sakaling maaprubahan, naniniwala si Quijano na mahihikayat pa nito ang mas marami pang mga senior citizen na magpabakuna na rin kontra COVID-19.
“But even then, I would still like to say na huwag po tayong maghintay na ibigay itong example na ‘to. Dapat lang naman yata na ang senior citizen ay magpabakuna na, regardless whether we are allowed out or not,” giit nito.
Ayon kay DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire, mahalagang mabalangkas nang maigi ang mga mungkahing ito bago maipatupad.
Samantala, sinabi rin ni Quijano na suportado nila ang isang mungkahi na gawing mas maaga ang pagboto ng mga senior citizen gayundin ang mga persons with disabilities (PWDs) at buntis sa darating na eleksyon.
Tinatayang nasa 10 milyon ang voting population ng mga senior citizen.
Ayon naman kay Presidential Spokesperson Harry Roque sa Palace press briefing, hindi tuwirang ipinagbabawal ang paglabas ng mga senior citizens.
“Pinapayagan din silang mag-exercise dahil importante namang mag-exercise para sa health promotions, dahil kinakailangang manatiling malusog laban sa COVID-19,” saad ni Roque.
Ngunit paalala niya, “Let us err on the safer side na hanggang wala pang population protection, habang hindi pa natin nababakunahan ang 70% ng ating populasyon, stay at home muna ang ating mga lolo’t lola.” -jlo