Nograles, tinutulak ang pakikituwang ng recruitment agencies para sa DOFW law

PR

Sinabi ni Cabinet Secretary Karlo Nograles nitong Lunes na ang gobyerno ay handang makipagtulungan sa mga stakeholders pagdating sa pagsasanay, paghahanap ng trabaho at pagpapadala ng mga Overseas Filipino Workers (OFWs) para mabigyang pansin ang kanilang mga alalahanin.

Binigyang diin ng kalihim na ang Administrasyong Duterte ay nakahandang itaguyod ang mga inisyatibo upang maitatag ang Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) na tututok sa mga isyu at kapakanan ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibang bansa.

Kaugnay nito, nakadaupang palad ni Nograles ang mga lider ng Alliance of Bonafide Recruiters for OFW’s Advancement and Development (ABROAD), isang kowalisyon na binubuo ng mga recruitment agency at nagsumite ng kanilang position paper hinggil sa planong pagtatatag ng Department of Overseas Filipino Workers (DOFW), proposal na naghahayag ng kanilang suporta.

Hinikayat ng opisyal ng Palasyo ang ABROAD na sila’y magtulak at gumawa ng mas malalim na bersyon na kahalintulad nito o “mas pinagbuti at mahusay pa sa batas na isinusulong ng punong ehekutibo.”

“Kapag natupad ito, gaya nga ng inyong hangarin, na isulong ang kaligtasan ng ating mga OFWs, kakampi ninyo ako. Magtulungan tayo para sa ating mga OFW,” pahayag ni Nograles.

Ayon sa dating mambabatas, dapat makipagtulungan ang mga placement at recruitment agencies sa pamahalaan para suriin ang mga polisiya kaugnay sa mga umuuwing OFWs at kung ano ang pangmatagalan na alternatibong hanapbuhay sa mga OFWs na nagbabalak nang umuwi para manirahan na sa Pilipinas.

“Magbukas tayo ng iba pang options para sa mga OFWs. Kailangan natin na muling tingnan ang mga official policy on OFW reintegration, dapat ay mayroong long-term view of reintegration; dapat ito ay nagsisimula na agad pag-alis pa lang ng OFW,” paliwanag ng abogado.

Sa kanilang liham at position paper na naka-address kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi ng ABROAD, “hindi kami mananawa at walang pasubali naming ipapaalala ang panawagan ng pangulo, sa kanyang ikaapat na SONA, na umaapela sa kongreso na magpasa ng batas para itatag ang Department of Overseas Filipino Workers (DOFW) na tututok sa kapakanan ng mga OFWs upang masiguro ang kanilang kaayusan, mabigyan ng proteksyon at mabilis na access sa mga serbisyo ng gobyerno.”

Ipinaliwanag ng nasabing grupo na ang mga OFWs ang makikinabang sa DOFW para magbigay ng mabilis na aksiyon sa lahat ng pangangailangan at iba pang rekisitos ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa ibayong dagat. Ang usaping ito mula sa stakeholders na may kinalaman sa OFW deployment at placement ay ilan lamang sa mga hakbang para makatulong sa mga gumagawa ng polisiya at lehislatura upang makalikha ng isang batas na magtatatag sa naturang ahensiya.

Ang ABROAD ay isang samahang binubuo ng siyam (9) na asosasyon ng recruitment agency na kinabibilangan ng mga sumusunod: Australia & New Zealand Association of Employment Providers of the Philippines, Inc. (ANZAEPP), Association of Philippine Licensed Agencies for Technical Internship Program (APLATIP), Association of Professional Philippine Manpower Agencies for China Inc. (APPMAC), Japan Employment Providers of the Philippines & Consultants’ Association, Inc. (JEPPCA), Overseas Placement Agencies of the Philippines (OPAP), the Philippine Association of Service Exporters, Inc. (PASEI), Pilipino Licensed Manpower Agencies for Taiwan (PILMAT), Philippine Recruitment Agencies Association for Saudi Arabia (PRAASA) at Philippine Association of Agencies Accredited to Oman (PAAAO).

Ang organisasyong ito ay kumakatawan sa mahigit 500 PRAs at halos lahat ng ito ay responsable sa pagbibigay ng trabaho sa mahigit 1 milyong OFWs na kinabibilangang ng mga professionals, skilled workers at household service o domestic workers.

Popular

PH now ‘future-ready’ for digital realm with launch of 1st AI-driven data hub — PBBM

By Brian Campued Advancing the vision of a smarter and more digitally connected “Bagong Pilipinas,” President Ferdinand R. Marcos Jr. led the launch of the...

4 iconic Filipino figures to get Presidential award

By Darryl John Esguerra | Philippine News Agency President Ferdinand R. Marcos Jr. will posthumously confer the Presidential Medal of Merit on four iconic Filipino...

PBBM, First Lady to attend Pope Francis’ funeral

By Ruth Abbey Gita-Carlos | Philippine News Agency President Ferdinand R. Marcos Jr. and First Lady Liza Araneta-Marcos will be attending the funeral of Pope...

PBBM, Japan PM Ishiba to meet April 29

By Brian Campued President Ferdinand R. Marcos Jr. is set to meet Japanese Prime Minister Ishiba Shigeru at Malacañan Palace on April 29, the Presidential...