Gagawaran ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) ng Kampeon ng Wika 2021 si Nora C. Villamayor aka Nora Aunor dahil sa kanyang hindi matatawarang ambag sa larangan ng pelikulang Pilipino na sumalamin sa búhay ng mga mamamayang Pilipino.
Siyá ay isang batikang artista, mang-aawit, prodyuser, at nakatanggap ng iba’t-ibang parangal mula FAMAS Award, Gawad Urian Award, Metro Manila Film Festival, Luna Awards, Gawad Tanglaw, at iba pa.
Kinilála sa bansa at international community ang kanyang mga pelikula, kabilang ang Guy and Pip, Lollipops and Roses, Tatlong Taóng Walang Diyos, Minsa’y Isang Gamu-Gamo, Himala, Bilangin Ang Bituin Sa Langit, Andrea, Paano Ba Maging Isang Ina?, Ang Totoong Búhay ni Pacita M, The Flor Contemplacion Story, Babae, Naglalayag, Thy Womb, at marami pang iba.
Kikilalanin din ng KWF bílang Kampeon ng Wika ang Alyansa ng mga Tagapagtanggol ng Wikang Filipino o Tanggol Wika dahil sa adbokasiya na nagpapahalaga sa wikang Filipino at panitikan. Ang Tanggol Wika ay may halos 800 rehistradong kasapi na binubuo ng alagad ng wika, edukador, mananaliksik, at mag-aaral mula sa iba’t-ibang unibersidad sa buong bansa.
Magaganap ang pagtatanghal sa Nob. 9, 10:00 n.u. sa Legazpi Ballroom Makati Diamond Residences, Brgy. San Lorenzo, Legazpi Village, Lungsod Makati at naka-live stream sa Live sa www.facebook.com/komfilgov. (KWF) – jlo