By Julius Gonzales | Radyo Pilipinas
Umaabot na sa mahigit 1,000 tawag kada araw ang natatanggap ng One Hospital Command Center (OHCC) sa gitna ng pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Ayon kay Dr. Bernadette Velasco, Operations Manager ng (OHCC), mula ito sa dating nasa 200 na tawag kada araw na kanilang natatanggap.
Kadalasan aniya sa mga tumatawag sa kanila ay mga asymptomatic o mild lang ang sintomas.
Maliban dito, sinabi rin ni Dr. Velasco na may natatanggap na rin silang tawag mula sa mga ospital na kailangang i-isolate ang kanilang mga tauhan o staff.
Giit pa ni Velasco na sa oras na may natatanggap silang tawag mula sa isang positibo sa COVID-19 ay agad nila itong itatawag sa kanilang nasasakupang barangay.
Pinayuhan naman ang mga positibo sa COVID-19 na mild lang ang sintomas na mag-isolate agad, makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan, at huwag nang umalis ng bahay upang hindi agad mapuno ang mga ospital. (Radyo Pilipinas) -ag