Nagbigay ang Employees’ Compensation Commission (ECC) ng benepisyong nagkakahalaga ng P2,392,479.62 para sa mga sundalo na nasaktan o nasawi sa nangyaring krisis sa Marawi.
“Ang iginawad na tulong ay para sa mga unipormadong kawani mula Enero hanggang Setyembre 2017,”pahayag ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis.
Idinagdag ni Banawis na ang P1,752,479.62 ay para sa EC disability benefits samantalang ang P640,000 ay para sa EC death benefits.
Ito ay ibinigay sa pamamagitan ng Government Service Insurance System.
Naglabas ang ECC ng Board Resolution No. 17-06-22 para sa mabilis na pag-proseso ng EC benefit para sa mga kasapi ng PNP at ng AFP na nasaktan o nasawi sa nagaganap na gulo sa Marawi.
“Ang ECC Board Resolution No. 17-06-23 ay ipinalabas hindi lamang para sa mabilis na pag-proseso ng EC benefit ng mga kasapi ng AFP at PNP na nasaktan o nasawi sa pagsasagawa ng military at police operation, gayundin para sa agarang pagbibigay ng tulong sa ilalim ng programa ng ECC na Katulong at Gabay ng Manggagawang May Kapansanan,” ani Banawis.
Ang KaGabay Program ng ECC ay nagbibigay ng natatanging tulong para sa mga persons with work-related disabilities (PWRD) sa pamamagitan ng skills o entrepreneurial training at pagbibigay ng rehabilitation services at appliances. Nilalayon ng programang ito ang agarang pagbabalik nila sa komunidad.
Isa pang programa ng ECC, ang Quick Response Program ay nakapagbigay serbisyo sa 192 unipormadong kawani. Ito ay binubuo ng 170 mula sa Armed Forces of the Philippines, 20 mula sa Philippine National Police, at dalawa mula sa Bureau of Fire Protection
“Ang ECP benefit ay bahagi ng benepisyong ipinagkakaloob sa mga kawani ng AFP at PNP na nasaktan o nasawi habang naglilingkod, sa ilalim ng Comprehensive Social Benefits Program,” ani Banawis.
Kanyang idinagdag na patuloy na nagbibigay ang ECC ng benepisyo at serbisyo sa mga manggagawang nagkasakit, nasaktan o namatay habang ginagampanan ang kanilang tungkulin at ipinaalala ang kahalagahan ng pagpapanatili ng ligtas at malusog na lugar-paggawa. (DOLE)