Winalis ni John Niel Paderes ang tatlong backstroke events na nilahukan para tanghaling winningest swimmer ng Swim League Philippines-BEST sa pagtatapos ng 2021 Philippine Swimming Inc. National Selection bubble kahapon (Okt. 23) sa New Clark City Aquatics sa Capas, Tarlac.
Pinatunayan ng 19-anyos UAAP multi-titled at Palarong Pambansa record holder ang pagiging top backstroker sa bansa nang pagwagihan ang ikatlong back event sa men’s class 50-meter sa tyempong 27.77 segundo. Tinalo niya sina David dela Rosa ng La salle (28.23) at Bernard Abril (28.68).
Naunang nadomina ni Paderes sa torneo na nagsisilbing tryouts para sa pagpili ng mga miyembro ng Philippine Team ang 100-meter back sa bilis na 59.60 segundo laban kina Bernard Abril ng Tarlac (1:04.17) at kasangga sa BEST na si Johan Cabana (1:04.12) nitong Biyernes. Sa 200-meter back, ratsada rin siya sa 2:14.94 laban kina Jose Arcilla (2:17.14) at Cabana (2:21.52).
“Nasustain yung kumpiyansa. Kahit nakakabanibago dahil matagal ding walang laro dahil sa pandemic, hindi nawala yung determinasyon. Hopefully, magbalik na sa normal para makapagsanay na uli ang mga bata,” pahayag ni SLP-BEST coach Virgilio.
Sa pagtatapos ng tatlong araw na torneo, nakolekta ng SLP-BEST ang kabuuang pitong ginto, anim na silver at limang bronze medal. Ito ang unang pagkakataon na nakalaro sa national tryouts ang koponan.
Bukod kay Paderes, si Jordan Ken Lobos ang nakapagtala ng double gold medal performance, habang ang National junior standout at Palarong Pambansa record holder na si Micaela Jasmine Mojdeh ang nakapag-uwi ng isang ginto, apat na silver at isang bronze medal.
Nanguna ang 19-anyos na si Lobos mula sa Calayan Educational Foundation School sa Lucena City sa men’s 200-breaststroke sa oras na 2:21.49 para sundan ang matagumpay na ratsada sa men’s 100-meter breastroke nitong Sabado kung saan ginulat niya ang mga paboritong karibal sa bilis na 1:04.66.
Ginapi ng 2019 Palarong Pambansa multi-gold medal winner sina Sam Alcos (1:05.84) at Rian Marco Tirol (1:05.96).
Nasundan ang pagdiriwang ng SLP-BEST nang magwagi si Ivan Radovan sa men’s 200-meter butterfly sa tyempong 2:13.71.
Samantala, naungusan ni Chloe Daos si Mojdeh sa finals ng women’s 800-meter. Naorasan si Daos sa 2:22.57, habang naisumite ni Mojdehang 2:25.22 para sa silver.
Sa kabuuan ng kampanya, nagtapos ang 15-anyos na si Mojdeh, mula sa Brent International School of Manila, ng apat na silver medal (women’s 1500-meter freestyle, 18:58.71, 100-butterfly, 1:03.90, 50-m fly at bronze medal sa 400-meter freestyle).
“Masaya po kami sa performance ng mga bata. Yung sakripisyo nila kahit medyo naapektuhan ng pandemya yung ensayo, nasuklian naman po,” pahayag ni Joan, ina ni Mojdeh at founder ng SLP-BEST.
Sa iba pang resulta, nakamit din ni Xiandi Chua ang ikatlong gintong medalya nang pagbidahan ang women’s 100-meter freestyle sa tyempong 59.68 laban kina Camille Buico at Chloe Daos na naorasan sa 1:00.34 at 1:00.33, ayon sa pagkakasunod.
Tinalo din ni Miguel Barreto sa men’s 100-meter freestyle ang kasangga sa national team na si Sacho Ilustre sa tyempong 53.52, habang naitala ni Hannah Sanchez ang ikalawang panalo sa long-distance race nang manali sa women’s 800-meter freestyle sa tyempong 9:57.36.
Ang tatlong araw na torneo at supotado ng Philippine Sports Commission, the Bases Conversion and Development Authority, and Clark Development Corporation. (PR) – bny