Isinaad ni Roque sa panayam ni Orly Mercado sa kanyang programa na All Ready nitong Martes na maka-ilang ulit nang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na kinakailangan na matanggal ni Sereno sa puwesto upang matanggal ang proseso ng impeachment.
“Nakapagtataka nga na nagdududa pa itong mga tagapagsalita ni Chief Justice Sereno ‘no. Si Presidente po ilang ulit nang sinabi na kinakailangan talagang matanggal sa puwesto itong si Chief Justice. So ngayon ang pagkakaiba lang po nito ay si Presidente naniniwala na iyon na nga pagtatanggal sa proseso ng impeachment,” ani Roque.
“Well, alam naman po namin nahaharap si Chief Justice sa isang impeachment proceeding ngayon sa Kamara at possible na ito ay magpatuloy hanggang Senado ‘no. Ang sa atin lang po ay ngayong nandiyan na iyang impeachment na iyan ay kinakailangang na ikonsidera ni Chief Justice iyong pagbibitiw dahil sa tingin ko po ultimately yung institusyon ng Korte Suprema ang siyang magkakaroon ng danyos kapag pinatuloy niya iyong paglaban dito sa impeachment complaint na ito,” dagdag pa niya.
Giit pa ni Roque, marapat lang na matuto sa karanasan ni Comelec Chairman Andres Bautista na kung mahina ang ebidensya at magtatapos rin sa pagalis ng puwesto ay kusa na mismo itong gawin.
“Pero sa akin ‘wag na pong antayin iyong impeachment, matuto na po tayo sa naging karanasan ni si Comelec Chairman Andres Bautista, na kung patungo naman sa pag-aalis sa puwesto at kung talaga namang malakas ang ebidensya para sa impeachment ay kusa nang magbitiw,” aniya.
Kung matatandaan, ayon sa unang talumpati ni Roque, ang pagbaba sa puwesto na ito ni Sereno ang magliligtas sa hukom ng higit pang pinsala.
“Dahil ngayon po ang importante – kagaya ng sinabi ko kahapon – parang kailan lang po eh natanggal natin si Chief Justice Corona at parang iyong institusyon mismo eh mawawala pa iyong kanyang estado bilang isang co-equal branch of government kung matapos na hindi pa masyadong matagal na kakalipas ay meron na namang pangalawang Chief Justice na matatanggal dahil nga sa pamamagitan ng proseso ng impeachment,” dagdag nito. | (Tina Joyce Laceda – PTV)