By Hajji Kaamiño | Radyo Pilipinas
Iuurong sa Lunes (Peb. 7) ang pagbabakuna para sa mga batang lima hanggang 11 taong gulang sa lungsod ng Parañaque.
Ayon kay Parañaque City Mayor Edwin Olivarez, bunsod ito ng hindi inaasahang pagkaantala ng delivery ng bakuna. Kaugnay nito ay malilipat din sa Lunes ang scheduled vaccinations sa SM Sucat.
Pinayuhan naman ni Olivarez ang mga magulang na irehistro na sa bakunahan ang kanilang mga anak.
Sa ngayon ay magkakaroon muna ng adult vaccination sa Ospital ng Parañaque 2 para sa first at second dose at booster hanggang Peb. 4.
Batay sa summary report ng City Health Office, umabot na sa 697,598 ang fully vaccinated individuals sa Parañaque na katumbas ng 133%, habang 741,339 individuals naman ang nabigyan na ng first dose. Nasa 167,211 katao na rin ang naturukan ng booster shot. (Radyo Pilipinas) -ag