Karamihan sa mga establisyamento na nasa loob ng mga mall sa National Capital Region ang sumusunod na sa polisiya sa pagsusuot ng mga manggagawa ng komportableng sapatos, isa sa mga pamamaraan upang maiwasan ang panganib dulot ng matagal na pagtayo habang nagtatrabaho.
Sa ulat kay Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III, ipinahayag kahapon ng NCR regional office ng Department of Labor and Employment na nagsagawa ng inspeksiyon ang kanilang mga field official sa 2,617 establisyamento nitong Linggo at nakita na 2,011 sa kanila ang tumutupad na sa kautusan ng DOLE na nagbabawal sa sapilitang pagsusuot ng de takong na sapatos para sa kababaihang empleyado.
Nitong nakaraang buwan, ipinalabas ni Bello ang Department Order 178 na nagtatakda sa mga establisyamento na payagan ang mga kababaihang manggagawa na magsuot ng komportableng sapatos habang nagtatrabaho.
Iniatas ni Bello na ang sapatos na dapat gamitin ay hindi masakit sa paa o sa mga daliri sa paa, at hindi nakakadulas. Dapat din na ang sapatos ay may sapat na suporta sa paa.
Iniaatas din ng nasabing department order na dapat magtakda ng iba pang pamamaraang pangkalusugan at kaligtasan na dapat ipatupad ng establisyamento kasama ang pagbibigay ng sapat na oras ng pahinga para sa mga manggagawa, at paglalagay ng mauupuan, paglalagay ng angkop na flooring o mat sa lugar-paggawa, at lamesa o gawaan na madaling iakma ang taas ayon sa pangangailangan.
Ipinalabas ang D.O. 178 para tugunan ang mga usapin ukol sa kalusugan at kaligtasan sa trabaho na may kaugnayan sa pagsusuot ng de takong na sapatos para sa mga kababaihang empleyado at ang matagal na pagtayo habang nagtatrabaho.
Sakop nito ang mga manggagawa sa retail at service industry; assembly lines; teachers, at security personnel. (DOLE-PR)