Umani ng iba’t-ibang reaksyon mula sa mga senador ang pahayag ni House Speaker Pantaleon Alvarez na umano’y posible ang isang No-Election o No-El scenario kapag natuloy ang panukalang Pederalismo.
Para kay Senador Ping Lacson, madaling sabihin pero mahirap umanong gawin ang minamadaling paglipat tungo sa Pederalismo, lalo na ang pinaplanong pagdaraos ng isang plebisito sa darating na buwan ng mayo.
Punto ni Lacson, kapos na umano sa panahon ang mga nagtutulak ng panukalang pagbabago sa ating konstitusyon.
Maging si Senate President Koko Pimentel, na siyang pangunahing nagsusulong sa Senado ng sistemang Pederalismo, ay nagsabi na tuloy pa rin ang mga naitakdang halalan sa bansa sa ilalim ng sistemang Pederalismo.
Una rito, sinabi ni House Speaker Alvarez sa isang panayam sa telebisyon na possible umanong maipagpaliban ang 2019 Midterm Elections kapag nagtagumpay sa kongreso ang panukalang paglipat ng porma ng gobyerno tungo sa Pederalismo ngayong taon.
Ani Alvarez, ang kongreso ay balak na pulungin ngayong Enero para talakayin ang panukalang pagdaraos ng referendum sa buwan ng darating na Mayo, na kasabay ng naitakdang Barangay Elections.
Diin ni Alvarez, kapag pinaboran ng publiko sa pamamagitan ng referendum ang nasabing paglipat tungo sa Pederalismo, mas makabubuti umano na ang termino ng lahat ng kasalukuyang halal na mga senador ay mag-expire sa 2022. | (Jojo Ismael/ Radyo Pilipinas)