Pahayag ni CHR Spokesperson, Atty Jacqueline Ann de Guia, sa ika-35 Anibersaryo ng EDSA People Power Revolution

Tatlumpu’t limang taon na ang nakalipas nang lumabas sa lansangan ang mga mamamayang Pilipino upang ipahayag natin ang pagkapuno mula sa karahasan, korupsyon, at mga kasinungalingan ng isang diktador. Mahigit tatlong dekada na rin ang nakaraan nang iniluwal natin ang ating demokrasya mula sa madilim na yugto ng ating kasaysayan—ang martial law o batas militar.
 
Buo ang pakikiisa ng Komisyon sa mga Karapatang Pantao sa paggunita ng ika-tatlumpu’t limang anibersaryo ng EDSA People Power Revolution. Mahalaga ang pag-alala upang hindi tayo makalimot sa monumental na pangyayari sa ating bansa kung saan nanaig ang boses at pagkakaisa ng taumbayan laban sa kalabisan ng kapangyarihan. Bagama’t hindi lahat ng ating aspirasyon bilang bansa ay nakamit natin matapos ang diktaturya, mahalagang mapaalala sa atin na may katapusan ang paghahari ng mga hindi makataong pinuno na sariling interes lamang ang inuuna.
 
Ngayong nalalapit na ang eleksyon para sa bagong pamunuan, kinakailangan nating maging mas mapanuri bilang mamamayan sa tunay na intensyon mga di umano’y lider na nais muling mailuklok sa iba’t ibang posisyon sa pamahalaan. Huwag tayong makalimot sa mga paglabag sa karapatang pantaong pinalampas nating singilin. Hindi magkakaroon ng pagbabago kung hindi tayo patuloy na makikilahok sa mga isyung panlipunang ating kinakaharap sa kasalukuyan, at kung hindi natin mapapanagot ang mga umabuso sa ating mga kalayaan at karapatan.
 
Bilang isang institusyong ipinanganak matapos ang EDSA People Power Revolution, patuloy na magiging tapat ang Komisyon sa mandato nito na bantayan ang anumang pagmamalabis sa kapangyarihan ng estado, maging sinuman ang nakaluklok na pinuno. Dagdag pa, patuloy kaming magmumulat at magpapaalala sa taumbayan ng mga ganitong pangyayari dahil malakas rin ang pwersang nagsusulong ng mga rebisyon sa ating kasaysayan upang makamit nila ang kanilang mga personal na agenda. Hindi rin kami matitigil sa pagpanig sa mga mahihina, inaapi, at mga isinasawalang-bahala ng lipunan.
 
Hindi man agaran ngayon, subalit darating ang panahon kung saan taumbayan muli ang magpapasya’t maniningil sa paglapastangan ng mga ganid sa kapangyarihan sa ating pinakamamahal na bansa.
 
Hindi lamang sa araw na ito, nawa’y manaig sa atin ang diwa ng katapangan, pagkakaisa, at kapayapaang nakita natin noong EDSA People Power Revolution upang pagtagumpayan ang mga hamong sumusubok sa ating lipunan.

Popular

Longest Traslacion ends after nearly 31 hours

By Ferdinand Patinio and Christopher Lloyd Caliwan | Philippine News Agency The grand procession or Traslacion of Jesus Nazareno officially ended at 10:50 a.m. Saturday,...

‘Project AGAP.AI’ to support students, teachers towards digitally enabled PH education system —PBBM

By Brian Campued “As we hit the ground running in 2026, once again, we start a new era in our educational system.” In line with the...

Province-wide ‘Benteng Bigas’ rollout to start in Pangasinan next week —D.A.

By Brian Campued Following the successful nationwide rollout of “Benteng Bigas Meron (BBM) Na” Program in 2025, the Department of Agriculture (DA) is set to...

D.A. assures budget transparency with ‘FMR Watch’

By Brian Campued To ensure that the budget allocated to the agriculture sector this 2026 is used for projects that will directly benefit Filipinos, the...