Nakakalungkot ang nangyari na habang unti-unti na nating nalalampasan ang pandemya ay maraming mga kababayan naman natin ang naging biktima ng bagyong Odette.
Papalapit na ang Pasko at ang Bagong Taon, ngunit panibagong pagsubok na naman ang dumating sa ating bansa. Gayunpaman, nakikita kong nananatiling matatag ang diwa ng bayanihan na nagbibigay ng lakas at pag-asa sa ating mga Pilipino.
Kaya noong Sabado (Dis. 18), binisita namin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ating mga apektadong mga kababayan. Nagsagawa kami ng aerial inspection ng Siargao Island bago kami nag-inspect ng Surigao Airport.
Nag-aerial inspection din kami sa Dinagat Islands at Maasin City sa Southern Leyte. Matapos naming makipagpulong sa Maasin City, bumalik kami ng Surigao City upang maghatid ng tulong at kinausap ang mga lokal na opisyal at mga kawani ng mga ahensiya ng gobyerno.
Kahapon (Dis. 19) naman ay binisita namin ni Pangulong Duterte ang bayan ng Argao sa Cebu at Inabanga sa lalawigan ng Bohol. Nakipagpulong kami sa mga opisyal doon upang masigurong matutugunan ang mga pangangailangan ng mga biktima, lalo na pagdating sa pagkain, tubig, gamot, kuryente, at telecommunication services.
Ngayong araw naman ay pupuntahan namin ang Negros Occidental upang personal na makita ang kalagayan ng mga tao at makapagbigay ng tulong doon.
Mula noon pa man, talagang hands-on si Pangulong Duterte. Katulad sa ginagawa namin sa Davao City noon, personal na mino-monitor ng Pangulo ang galaw ng bagyo upang makaresponde agad sa sitwasyon na hinaharap ng mga apektadong komunidad.
At bago pa man pumasok sa Philippine area of responsibility ang bagyong Odette ay nagbigay na siya ng instructions sa mga ahensiya ng gobyerno para masigurong laging handa tayo sa pagtugon sa krisis.
Agarang nagpahanda ang Pangulong Duterte ng dagdag na pondo para sa mga ahensiya na pangunahing tumutugon sa krisis at pati na rin sa mga apektadong LGUs. Hangad ng Pangulo na pabilisin ang restoration of normalcy as soon as possible.
Nagbigay rin ng dagdag na directives si Pangulong Duterte sa mga ahensiya, katulad ng paggamit ng mga Quick Response Funds nila; pagbibigay ng housing assistance, including provision of housing materials for repair of damaged houses; tulong para sa nasirang mga bangka ng mga mangingisda at iba pang agricultural machineries; repair ng mga nasirang gusali, tulay, paliparan, daungan, kalsada, at iba pa; community tents bilang temporary evacuation centers; pagkain, tubig, at gamot; at food-for-work, cash-for-work, at iba pang mga programa upang maibangon muli ang kabuhayan ng mga nasalanta.
Inihanda na rin ang MARINA, Philippine Navy, Coast Guard, Army, Air Force, at iba pang frontliners para tumulong sa rescue and recovery operations at masigurong makakarating ang mga relief items, equipment, at essential personnel sa mga apektadong lugar.
Naka-deploy na rin ang mga available vessels tulad ng BRP Ang Pangulo para magsilbing floating hospital sa Dinagat Islands at Siargao Island. Magpapadala rin kaagad ang DOH ng dagdag na mga gamot, medical equipment, at health personnel para maalagaan ang kalusugan ng evacuees.
Nagpapasalamat ako sa Panginoon na maraming naisalbang buhay dahil sa pakikiisa ng lahat at pakikipagtulungan sa gobyerno ng mga tao. Ang ari-arian ay puwede namang maipundar nating muli, basta ang pinakaimportante ay buhay tayo.
At sa mga pamilya ng mga nasawi sa trahedyang ito, taus-pusong nakikiramay kami ni Pangulong Duterte.
Mga kababayan, andito ang gobyernong tunay na nagmamalasakit at handang gampanan ang kanyang tungkulin upang proteksiyunan ang buhay ng bawat Pilipino.
Sa ating patuloy na pakikipagbayanihan at pagmamalasakit sa kapwa, sama-sama nating malalampasan ang mga pagsubok na ito bilang isang mas matatag na sambayanang Pilipino! (Office of SBG) – jlo