Sinimulan ngayong araw ang pamamahagi ng isang milyong doses ng bakunang CoronaVac mula sa Tsina matapos ang pagdating ng panibagong batch ng 500,000 doses nitong umaga (Abril 29).
Iniulat ni Dr. Ariel Valencia, director ng Supply Chain Management Service ng Department of Health (DOH), na mayroon nang kasamang certificate of analysis ang mga naturang bakuna.
Mayroon na ring certificate of analysis ang naunang 500,000 doses ng CoronaVac na dumating sa bansa noong Abril 22.
“Magdi-dispatch tayo today, kasi hinintay lang natin ‘yung certificate of analysis. So we will be allocating already the vaccines to be delivered sa mga different regions and LGUs in Metro Manila,” ani Valencia.
Dagdag niya, ang malaking bahagi nito ay nakalaan para sa National Capital Region (NCR), Region 3, at Region 4A. Ang ibang rehiyon sa bansa ay makakatanggap din.
Ito ang pangalawang pagkakataon na dinala sa PharmaServ Express ang biniling mga bakuna. Ito ay may kapasidad para humawak ng bakunang may iba’t-ibang storage temperature requirement.
“It ranges from 2 to 8 [degrees Celsius] like Sinovac and AstraZeneca; negative 18 to 25 [degrees Celsius] sa ating Gamaleya, Sputnik V, also for Moderna; and then we have here the negative 70 and negative 80 [degrees Celsius] for Pfizer vaccines,” paliwanag ng opisyal.
Tulad ng mga nakaraang pagbiyahe ng mga bakuna, naging maayos din ang biyahe mula Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa Pasay City hanggang sa Marikina City.
Lulan ng isang malaking truck ang nasa 14 pallets ng mga bakuna, habang may kasunod na maliit na backup truck sakaling magka-aberya ang unang truck. – Ulat ni Rod Lagusad/AG-jlo
Panoorin ang pagdating ng panibagong batch ng CoronaVac nitong April 29: