Inatasan ni Labor Secretary Silvestre Bello III ang Philippine Overseas Employment Administration (POEA) na simulan na ang pag-proseso sa pagde-deploy ng mga manggagawa sa South Korea matapos nilang ianunsyo na tinanggal na nila ang paghihigpit sa pagpasok ng mga banyagang manggagawa doon.
Ikinagalak ng Pilipinas ang desisyon ng Korea, wika ni Bello. “Isa itong napakagandang balita hindi lamang para sa ang ating mga manggagawa sa ilalim ng EPS at kanilang mga pamilya, kundi pati na rin sa mga Korean employer na naghihintay sa pagbabalik ng ating mga manggagawa.”
Inihayag ng Ministry of Employment and Labor (MOEL) ng Korea na papayagan na muling pumasok ang mga manggagawa sa ilalim ng entry permit system (EPS) mula sa lahat ng bansang nagpapadala ng manggagawa, kabilang na ang Pilipinas bago matapos ang buwang ito.
Sinabi ni Bello na ang pag-alis sa paghihigpit para sa mga manggagawa sa ilalim ng EPS ay matagal nang hinihintay ng mga manggagawang ma-de-deploy mula noong nakaraang taon.
Ayon sa MOEL, sasailalim sa pre-entry measure tulad ng full vaccination at negative PCR test result, at post-entry measure tulad ng mandatory quarantine at PCR testing ang mga papasok na manggagawa sa ilalim ng EPS sa bansang Korea.
Hinihintay na lamang ang patakaran mula sa pamahalaan ng South Korea para sa pagbibigay ng E9 visa sa mga manggagawang Filipino sa ilalim ng EPS matapos ang anunsiyo mula sa MOEL, ayon sa Korean Embassy sa Pilipinas.
Inatasan ni Bello ang POEA na agad makipagpulong sa Human Resource Development Korea (HRDK) EPS Center sa Pilipinas upang buuin ang mga kinakailangan at pamamaraan para sa ligtas at maayos na pagpasok at muling pagpasok ng mga manggagawa sa ilalim ng EPS sa Korea, sa pakikipag-tulungan ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Philippine Embassy sa Seoul.
Mula noong 2004, nagpapadala ang Pilipinas ng mga manggagawang Filipino sa Korea sa ilalim ng government-to-government cooperation agreement sa EPS. Gayunpaman, pansamantalang itinigil ang deployment ng manggagawa dahil sa paghihigpit sa pagpasok sa ROK simula noong Hunyo 2020 bilang bahagi ng mga hakbang laban sa COVID-19. (DOLE) -rir