Sa layunin na tulungan na madagdagan ang kanilang kita, hinihikayat ang mga marginalized na manggagawa na pakinabangan ang mga programang-pangkabuhayan mula sa labor department.
Sinabi ni Labor Undersecretary Joel Maglunsod na mayroong programang pangkabuhayan ang DOLE na mapapakinabangan ng mga manggagawang nasa vulnerable sector upang madagdagan ang kita ng kanilang pamilya.
Sa kanyang pagsasalita sa ginanap na Manila Workers Unity Workers Consultation Assembly “Usapang Obrero” sa Sta. Ana, Manila, sinabi ni Maglunsod na patuloy ang pamahalaan sa layunin nito na mahinto ang illegal contracting at sub-contracting, at ang “endo.”
“Ang pagpupulong tulad nito ay isang paraan upang maipaabot ang inyong mga hinaing. Maaari kayong kumunsulta sa ating attached agencies dahil ang labor department ay nag-aalok ng iba’t ibang serbisyo at programang pangkabuhayan na makakatulong sa inyo upang maragdagan ang kita ng inyong pamilya,” ani Maglunsod.
Tinalakay ni Director Ma. Karina Perida-Trayvilla ng Bureau of Workers with Special Concerns (BWSC) ang programang DOLE Integrated Livelihood Program (DILP) na naglalayong makalikha ng negosyong lokal tungo sa karagdagang self-employment at productivity sa lahat ng rehiyon.
Nilalayon ng DILP na tulungang mapalakas ang kakayahan ng mga mahihirap at marginalized na manggagawa sa pagbibigay ng capacity building para sa kanilang binabalak na negosyo, ito man ay indibidwal o grupong proyekto.
“Sa isang karaniwang pamilya, dalawa dapat ang nagtatrabaho. Mayroong matatag na mapagkukuhanan ng kita para ang isang pamilya ay may maayos na tahanan, sapat na pagkain, at maayos na pananamit at edukasyon para sa kanilang mga anak. “Ito ang nilalayon ng mga programang-pangkabuhayan ng DOLE: ang mabigyan ang mga manggagawa o ang kanilang may-bahay ng oportunidad na magtayo ng sarili nilang negosyo,” ani Trayvilla.
Sa ilalim ng DILP, ang kwalipikadong organisasyon na binubuo ng 15-25 miyembro ay maaaring makatanggap ng tulong-pinansiyal na hanggang P250,000.00 para sa Micro-Livelihood group project; ang 26-50 miyembro ay maaaring mag-aplay ng tulong-pinansiyal na hanggang P500,000.00 para sa kanilang Small Livelihood; at para sa Medium Livelihood, ang organisasyon na may 50 miyembro ay maaaring makatanggap ng tulong-pinansiyal na hanggang P1,000,000.00, depende sa pangangailangan ng kanilang proyekto.
Ang organisasyong mag-aaplay para sa group livelihood project ay dapat mayroong Project Management Team at profit sharing scheme, at ito ay kinakailangang nakasaad sa business plan/proposal at sa Memorandum of Agreement.
Sa kabilang banda, ang indibidwal na benepisaryo ay maaaring makatanggap ng DOLE Starter Kit o Negosyo sa Kariton (Nego-Kart) at tulong pinansiyal na hanggang P20,000.00, depende sa kinakailangan ng proyekto.
Para sa karagdagang impormasyon sa mga serbisyo at programa ng DOLE, hinikayat ni Maglunsod ang mga manggagawa na tumawag sa DOLE Hotline 1349 o direktang makipag-ugnayan sa kanyang tanggapan para sa agarang tulong at resolusyon sa mga usapin sa paggawa o mag-log on sa DOLE website www.dole.gov.ph at sa BWSC website www.bwsc.dole.gov.ph/. (DOLE-PR)