Trabaho ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paghahain ng diplomatic protest sa napaulat na presensya ng 200 sundalo ng China sa isang isla na kanilang inokupahan sa West Philippine Sea .
Ayon kay Defense Secretary Delfin Lorenzana, alam na ng DFA ang pagtatayo ng China ng isang military detachment sa Fiery Cross Reef.
Sa panig aniya ng Defense Department, ang kanilang posisyon ay patuloy lang na iparating sa DFA ang kanilang pagtutol sa ginagawang militarisasyon ng China sa West Philippine Sea .
Aniya, mayroong West Philippine Sea Task Force na nakatutok sa mga kaganapan sa pinag-aagawang karagatan at sila ang direktang nakikipag-ugnayan sa DFA.
Paliwanag ni Lorenzana, ang mga naturang isla ay dati lamang mga reefs na ginawan ng China ng malawak na reclamation, na kanilang unang sinabi ay para lang sa “peaceful purposes” tulad ng turismo.
Pero kung mapatunayan aniya ng Pilipinas na naglalagay ng mga sundalo at gamit pandigma doon ang China, ito ay paglabag sa kanilang sariling salita. (Leo Sarne/ Radyo Pilipinas)