Patay ang isang pulis na hinihinalang sangkot sa gunrunning activities nang makipagbarilan sa entrapment operation sa Placer, Masbate noong Sabado (Okt. 23).
Sa impormasyon mula sa Philippine National Police-Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG) sa pamumuno ni Police Brig. Gen. Flynn Dongbo, nakilala ang pulis na si Police Staff Sgt. Garfilo Pahilino Jr., na nakatalaga bilang intelligence operative ng Placer Municipal Police Station.
Pinapurihan ni PNP chief Police Gen. Guillermo Eleazar ang mga operatiba ng IMEG sa kanilang matagumpay na operasyon.
“I commend the operatives of our Integrity Monitoring and Enforcement Group for their successful operation that led to the neutralization of a leader of a gun-running syndicate in Masbate who was unfortunately one of our own,” wika ni Eleazar.
“Isa ang Masbate sa may mahabang kasaysayan ng karahasan tuwing eleksyon, at naniniwala ako na ang matagumpay na operasyon ng IMEG laban kay Police Staff Sgt. Garfilo Pahilino Jr. ay may malaking epekto sa pagpapakalat ng mga armas na maaring gamitin sa darating na halalan,” dagdag niya.
Aarestuhin sana ng mga operatiba ng PNP-IMEG si Pahilino matapos magbenta ito ng tatlong unit ng kalibre .38 revolver at isang unit ng Norinco caliber .45 pistol sa isang poseur buyer, nang biglang bumunot ng baril ang suspek at walang habas na pinaputukan ang mga aaresto sa kaniya.
Nagresulta iyon sa engkwentro kung saan nasawi si Pahilino.
Ayon kay Dongbo, sangkot sa pagbebenta ng loose firearms sa mga kriminal ang suspek sa lalawigan ng Masbate.
Ayon pa sa IMEG, sinasabing konektado rin si Pahilino sa Bustillos drug group at hinihinalang protektor din ng ilang drug suspek sa lalawigan.
Maliban sa mga armas na ibinenta ni Pahilino sa poseur buyer, nakuha rin ng mga pulis ang service firearm nito na 9mm pistol na may dalawang extra magazine at ang buy-bust money.
Sinabi ni Eleazar na ang operasyon ay bahagi ng mga hakbang ng PNP na siguruhing kapanipaniwala ang pagdaraos ng halalan sa Mayo ng susunod na taon. Ipinag-utos rin niya ang agresibong operasyon kontra loose firearms at mga private armed group bilang paghahanda.
“This will serve as a strong message to those who plan to undermine our democratic process that the Philippine National Police will not hesitate to use the full force of the law against anybody, kahit sila ay kabaro pa namin, to ensure that our communities are safe and the true will of the people shall reflect for the Halalan 2022,” anang pinuno ng PNP. (PNP-PIO) – jlo