By Jasmine B. Barrios
Bagama’t nakikitaan na ng pagbaba ang mga kaso ng COVID-19, nagbabala pa rin ang Department of Health (DOH) na hindi ito dahilan para makalimot ang lahat sa mga dapat gawin upang patuloy na maprotektahan ang sarili sa anumang uri ng hawahan.
Bumaba lamang ang insidente ng hawahan dahil sa pinag-isang ambagan ng pamahalaan, lokal na mga pamahalaan, at indibidwal na mamamayan.
Malaki ang naitulong ng paghihigpit sa National Capital Region ( NCR) Plus Bubble, pati ang pagpapairal ng mga lockdown sa mga lugar na mataas ang insidente ng COVID-19.
Hindi rin mapagkakaila ang malaking kontribusyon ng masusing pagsunod ng taumbayan sa ating mga health protocols – tamang pagsuot ng mask at face shield, pagpapanatili ng isang metrong distansya, paghugas o pag-disinfect ng mga kamay, at pag-iwas sa matataong lugar at mga okasyong face-to-face.
Unti-unti na ring nakakamit at gumagalaw ang adhikain ng gobyerno na mabakunahan ang malaking bahagi ng populasyon ng Pilipinas. Ang pagbabakuna ay makakapagbigay ng karagdagang proteksyon. Dahil sa bakuna, maiiwasan ang seryosong kaso ng impeksyon o pagkamatay sa COVID-19.
Kaya hinihimok ng DOH na huwag nang mag-atubiling magpaturok kapag dumating na ang oras ng grupong iyong kinabibilangan.
Pinaaalala ng DOH na walang dapat ikatakot sa pagbabakuna dahil ligtas ang lahat ng mga COVID-19 vaccine na ginagamit, ano man ang brand.
Bago pa man mabigyan ang mga ito ng EUA o Emergency Use Authorization, dumaan na ang mga bakuna sa masusing pag-aaral at pagbusisi ng ating mga eksperto.
Huwag din ikabahala kung may maramdamang sintomas pagkatapos magpabakuna. Normal lamang na may maramdamang side effects tulad ng muscle pains lalo na sa pinaturukang bahagi, lagnat, o sakit ng ulo. Senyales ang mga ito na nabubuo ng resistensya ang iyong katawan laban sa nasabing virus. Kung may mga tao mang nakaranas ng seryosong sintomas, ito ay 0.1 porsyento lamang at nabigyan din naman ng lunas.
Apat na milyong bakuna na ang naibigay sa mga Pilipino hanggang Mayo 22, at patuloy pa rin ang pagbabakuna kada araw sa buong Pilipinas. Walang humpay ang pagpupursige ng pamahalaan at ng DOH na mailigtas ang lahat laban sa seryosong sintomas at kamatayang dulot ng COVID-19.
Kaya’t makakatulong ding alalahanin ang ating responsibilidad bilang mamamayan upang tuluyang mapuksa ang nakamamatay na sakit na ito, dahil walang tunay na ligtas hangga’t ang lahat ay ligtas.