By Nimfa Asuncion / Radyo Pilipinas Uno
Tiniyak ni Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr., na sa ngayon ay wala pang nakokompromisong mga COVID-19 vaccine sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Odette.
Ito ay base aniya sa huli nilang pakikipag-ugnayan sa mga rehiyon na dinaanan ng bagyo.
Sinabi pa ng kalihim, na base sa kanyang pakikipag-usap kay Energy Secretary Alfonso Cusi, may binuo nang task force ang Department of Energy (DOE), para tugunan ang power supply sa mga cold storage facility ng mga lugar na naapektuhan ng bagyong Odette.
Ayon kay Galvez, nakiusap siya kay Cusi na unahing ibalik ang suplay ng kuryente sa mga siyudad ng mga naapektuhang lugar, dahil karamihan sa mga major warehouse ay nasa mga siyudad.
Sa ngayon, ay nagsasagawa ng conference sa National Vaccination Operations Center (NVOC) kasama ang iba’t ibang regional logistics team, para matiyak na ma-account ang mga bakuna at ligtas pa rin itong nakaimbak. -rir