Sinang-ayunan ng National Disaster Risk Reduction & Management Council (NDRRMC) ang suhestyon ni Senadora Nancy Binay na rebisahin ang mga kasalukuyang umiiral na disaster protocols.
Ayon kay NDRRMC Spokesperson Romina Marasigan sa unang pagpupulong ng ahensya sa 2018 ay maaring talakayin nila ang suhestyon ng Senadora.
Una rito, nagpahayag ng pagkadismaya si Senadora Binay sa bilang ng mga namatay sa Bagyong Vinta sa kabila ng paghahanda ng pamahalaan.
Hindi aniya katanggap-tanggap na umabot na sa 164 ang namatay, kaya dapat na baguhin ang mga umiiral na disaster protocols.
Inamin naman ni Marasigan na marami sa mga protocols na ipinatutupad ng ahensya pag dating sa paghahanda sa bagyo ay noong pang 1998 binuo, at marami nang nagbago mula noong panahong iyon.
Nagpahayag rin ng kalungkutan si Marasigan sa bilang ng mga nasawi, dahil ginawa ng pamahalaan Ang lahat ng paghahanda.
Pero aniya, malaking bahagi ng disaster preparedness ang pakikiisa ng mga mamamayan, at pagsunod sa abiso ng pamahalaan. | (Leo Sarne/Radyo Pilipinas)