By Leo Sarne | Radyo Pilipinas
Naghahanda na ang Philippine National Police (PNP) para sa inaasahang pagdagsa ng mga tao sa mga pasyalan sa papalapit na summer vacation, ngayong niluwagan na ang mga quarantine restriction.
Ayon kay PNP chief Gen. Dionardo Carlos, muling ide-deploy ng PNP ang mga Tourist Police Unit na inatasang magpatupad ng health protocol at mga lokal na ordinansa.
Maliban dito ay inatasan na rin niya ang mga local police na paigtingin ang kanilang anti-criminality measures para protektahan ang mga turista.
Partikular na tututukan ng PNP ang Boracay sa Aklan na numero unong tourist destination sa bansa at ngayon ay nasa Alert Level 2.
Ayon kay Gen. Carlos, ang unti-unting pagdating ng mga turista sa Boracay ay isang indikasyon ng muling pagbangon ng ekonomiya.
Samantala, nagpaalala naman ang PNP sa mga may balak na mamasyal o magbakasyon na manatiling alerto sa masasamang loob at sumunod sa health protocol. (Radyo Pilipinas)
-ag