Boluntaryong isinuko ng kanyang mga magulang sa mga otoridad ang 25-anyos na suspek sa ‘bakuna for sale’ scheme sa Mandaluyong City nitong Miyerkules (Mayo 26).
Iniharap sa publiko nina Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Benhur Abalos at Mandaluyong City Mayor Menchie Abalos si Cyle Cedric Bonifacio, ang suspek sa ilegal na pagbebenta ng bakuna online.
Ayon sa alkalde, tumawag ang ama ni Bonifacio na isang barangay kagawad upang isuko ang kanilang anak.
“Actually, hindi rin nila alam ‘yung ginagawa ng anak niya kung hindi pa siya napuntahan ng ating kapulisan kaya voluntary, sinurender niya sa’kin ngayon itong kanyang anak,” saad ni Mayor Abalos.
Samantala, mariing itinanggi ng suspek na nagbebenta siya ng bakuna.
“Gusto ko lang po sabihin na hindi po ako talaga [ang] nagbenta at ‘yung resibo po na iyon ay kusang [binigay] po sa akin noong taong iyon,” ani Bonifacio.
Itinanggi rin niya na may koneksyon siya sa local government unit (LGU) ng Mandaluyong.
Tiniyak naman ni Abalos na mahaharap si Bonifacio sa karampatang kaso dahil sa ginawa nito.
Ilang oras naman bago ang pagsisiwalat na naganap sa Mandaluyong City Hall, binalaan ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Guillermo Eleazar ang mga sangkot sa modus na ito.
“In order to further find out the truth, I am invoking the power given to me by the law as CPNP (Chief-PNP) to issue subpoena against the person involved in the alleged sale in COVID vaccines and and vaccine slots,” saad ni Eleazar.
Agad namang inilipat sa kustodiya ng PNP at National Bureau of Investigation (NBI) si Bonifacio para isailalim sa imbestigasyon.
Sa ngayon, itinuturing na ‘case solved’ ng mga otoridad ang kaso ng ‘bakuna for sale’ scheme na unang napaulat sa lungsod ng Mandaluyong. – Ulat ni Ryan Lesigues / CF-rir
