Ang karamihan ng mga Pilipino ay naniniwala na ang mga lumalabag sa health protocols ang nagdudulot ng pagkalat ng COVID-19 sa bansa, ayon sa first quarter survey ng Social Weather Station (SWS) ngayong taon.
Sa isinagawang survey mula Abril 28 hanggang Mayo 2 sa 1,200 respondents, 79% ang sumagot na ang paglabag sa health protocols ang sanhi ng hawahan ng COVID-19.
Nasa 11% naman ang nagsabi na kakulangan ng paghahanda ng gobyerno ang dahilan ng pagkalat ng sakit, at 10% naman ang naniniwalang dulot ng mga bagong COVID-19 variant sa bansa ang pagdami ng mga kaso.
Ang hindi pagsunod sa social distancing at hindi pagsusuot ng face mask at face shield ang ilan sa mga health protocols na aniya hindi sinusunod ng mga Pilipino.
Kamakailan lamang ay inaprubahan ni Justice Secretary Menardo Guevarra ang pag-aresto sa sinumang lalabag sa COVID-19 health protocols sa bansa.
Dagdag nito, ang mga pinuno at opisyal ng barangay na makikitaan ng paglabag sa mga panuntunan ay kasama rin sa mga iimbestigahan at aarestuhin.
Kaugnay ito ng kautusang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa nagdaang Talk to the People noong Mayo 26. Sinabi niya na rito na kabilang sa mga aarestuhin ang sinumang opisyal ng barangay na lumabag sa kanyang tungkuling ipatupad ang health protocols sa lugar na kanyang pinamumunuan.
“I am ordering the police to arrest the barangay captain and bring him to the station, investigate him for dereliction of duty [for] having failed to enforce the law,” ani Duterte.
Samantal, nakitaan ng mataas na bilang ng mga kaso ng paglabag sa health protocols ang Quezon City.
Ayon kay Quezon City Task Force Disiplina Head Rannie Ludovica, patuloy ang pagpapaigting ng Quezon City local government unit (LGU) sa implementasyon ng health protocols kung saan mula Mayo 1 ay higit 20,000 na ang na-tiketan na mga violators.
Tinanong din sa survey kung sino sa tingin ng mga respondents ang may tungkulin na pigilan ang patuloy na pagkalat ng COVID-19.
Lumabas sa resulta na 33% ang nagsabi na sarili, 31% naman ay national government, at 15% ay sa mga kasamahan sa komunidad.
Nasa 9% naman ang tumugon na local government, 8% na ito raw ay responsibilidad ng kanilang mga pamilya, at 4% ang sumagot na health workers ang dapat maging responsable sa suliraning ito. – Ulat ni Rod Lagusad / CF-jlo