Pinasinayaan ng Department of Transportation ang tatlong pantalan sa Palawan sa pangunguna ni Transportation Secretary Arthur Tugade, ngayong araw.
Ito ay ang Port of San Fernando sa El Nido, Port of Bataraza sa Brgy. Buliluyan, Bataraza at Port of Borac sa Brgy. Borac in Coron.
Layon nitong magkaroon ng alternatibong biyahe mula sa Metro Manila patungong Palawan sa pamamagitan ng Roll on/Roll off o RoRo.
Ayon kay Palawan Governor Jose Alvarez, “Pag natapos po ang blessing, count 60-90 days mayroon lang ikakabit itong FastCat RoRo. Dalawa po itong bagong bago, ito po yung magseservice dito. Bukas na po tayo sa turismo kaya this is the alternative way coming to El Nido via FastCat. Konektado na po tayo Batangas to Calapan to Bulalacao to Borac and Coron and dadaan po ng Linapacan para dalawang oras hindi kayo mabobored. Isang action movie galing sa Coron papunta sa Linapacan, another action movie from Linapacan to here (El Nido)”
Pagmamalaki pa ni Secretary Tugade, hindi lamang nito pagkokonektahin ang mga isla sa Pilipinas kundi mula sa Palawan magkakaroon na rin ng koneksyon patungo sa mga bansang kabilang sa ASEAN.
“Magkakaroon ng ugnayan, mobility at connectivity sa Luzon, sa Visayas kasama na po ang Asean, Brunei Darussalam, kasama na ‘yung Malaysia, kasama na ‘yung Indonesia.” ani Secretary Tugade.
Ayon sa DOTr, nasa 19 na pantalan ang sumatotal na proyektong ginagawa ng ahensiya kabilang na dito ang mga nagawa na gaya ng tatlong port na binuksan sa Palawan ngayong araw. — Karen Villanda