MANILA – Muling nanawagan si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur P. Tugade sa mga driver ng mga pampublikong sasakyan na lumahok sa Service Contracting Program (SCP) ng gobyerno upang madagdagan ang kanilang kita, at makatulong sa kanilang pangangailangan at kabuhayan sa gitna ng pandemya.
Ayon kay Secretary Tugade, malaking tulong ang Service Contracting Program para madagdagan ang kita ng mga PUV driver dahil sa kanilang matatanggap na insentibo mula sa gobyerno.
“Sa ating mga kasamahang drayber, huwag po nating palampasin ang oportunidad. Lumahok ho kayo sa Service Contracting Program ng pamahalaan. Makatutulong ho ito para madagdagan ang inyong kinikita sa araw-araw. Sayang din ho ang dagdag na kita para pambili ng pagkain at pang-suporta sa pamilya. Para sainyo po ito,” ayon kay Secretary Tugade.
Ang Service Contracting Program ng DOTr at Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ay isa sa mga programang inilunsad sa ilalim ng ‘Bayanihan to Recover as One Act,’ na layong bigyan ng karagdagang kita ang mga tsuper ng pampublikong sasakyan, kapalit ng kanilang serbisyo nang sa ganoon ay mapunan ang pangangailangan ng mga pasahero sa gitna ng pandemya. Ipinapatupad din sa programa ang tinatawag na “performance-based incentives” upang masiguro ang kalidad at maayos na serbisyo ng mga drayber sa mga pasahero.
Maaring lumahok sa programa ang mga driver ng modern at traditional jeepneys at public utility bus (PUB) na may aktibong ruta.
Sa ilalim ng SCP, makatatanggap ang mga kasaling jeepney driver ng P11 kada kilometro bilang incentive. Ang mga bus driver naman ay tatanggap ng P23.10 kada kilometro bilang incentive. Ang incentives ay ibibigay sa mga kalahok na drivers kada isang linggo sa pamamagitan ng kanilang GCash, PayMaya, o Land Bank accounts.
LIBRENG SAKAY PARA SA MGA APOR
Samantala, upang matulungan sa pagbiyahe ang ating mga essential workers/travelers o ‘yung mga Authorized Persons Outside of their Residence (APOR), 44 na ruta ng Modern Jeepneys ang inihanda ng DOTr at LTFRB upang makapagbigay ng LIBRENG SAKAY sa ilalim ng Service Contracting Program habang ipinatutupad ang Enhanced Community Quarantine (ECQ) simula kahapon, ika-29 ng Marso 2021 hanggang ika-4 ng Abril 2021, sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Magiging operational ang mga ruta ng libreng sakay para sa mga APOR simula 4:00AM hanggang 10:00PM
Malalaman na ang modern jeepney ay nagbibigay ng libreng sakay kung makikitang may karatula sa harapang bahagi nito na may nakasaad na “LIBRENG SAKAY PARA SA MGA AUTHORIZED PERSONS OUTSIDE RESIDENCE”.
PAANO LALAHOK SA SERVICE CONTRACTING
Sa mga nais lumahok sa SCP, kailangang magpakita ng photocopy ng kanilang lisensya at isang certificate na pirmado ng kanilang mga operators bilang patunay na sila ay isang PUV driver. Kailangan din nilang magsumite ng photocopy ng valid ID ng kanilang operator (harap at likod) na pirmado nang tatlong beses, kopya ng OR/CR ng minamanehong jeep, photocopy ng Certificate of Public Convenience (CPC) at detalye ng payment account na gagamitin.
Patuloy ang LTFRB sa pagtanggap ng aplikasyon para sa programa. Sa mga interesadong sumali sa Service Contracting Program, magrehistro lamang sa www.servicecontracting.ph. (Press Release)