Ayong kay Transportation Sec. Art Tugade, magpapatupad ng libreng pamasahe ang Department of Transportation (DOTr) para sa mga bakunadong pasahero ng MRT-3, LRT-2, at Philippine National Railways (PNR) mula Agosto 3 hanggang 20, sakop ang panahon na nasa ilalim ng enhanced community quarantine (ECQ) ang Metro Manila.
Ayon kay Tugade, “Mas mahalaga sa amin sa DOTr ang kalusugan ng ating mga kababayan kaysa kita. Kaya naman simula bukas, libre na ang pamasahe ng mga bakunadong APOR [authorized persons outside residence], kahit nakaka-isa o dalawang dose na ang mga ito.”
Upang maka-avail ng libreng pamasahe, kinakailangan lamang na iprisinta ng mga APOR ang kanilang vaccination cards bilang patunay na sila ay nakatanggap na ng bakuna.
Magbibigay naman ang PPA, CAAP, at MIAA ng libreng kape, tubig at snacks para sa mga vaccinated persons na naghihintay ng kanilang biyahe sa mga pantalan at paliparan.
“Sa road sector naman, kamakailan ay napapayag ko ang PITX na i-waive ang terminal fee na kanilang sinisingil sa mga bus simula ngayong araw, August 2,” aniya.
“Ang inisyatibong ito ay napagkasunduan ng buong Kagawaran ng Transportasyon upang makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan at kaligtasan ng ating mga kababayan, at upang matulungan ang gobyerno na mahikayat ang ating mga kababayan na magpabakuna.” (DOTr) -rir