
Ulat ni Vel Custodio / PTV News
Isinusulong ni House Majority Leader Ferdinand Alexander βSandroβ Marcos ang panukalang layon magbigay ng libreng kuryente sa mga pamilyang mababa ang konsumo ng kuryente.
Sa ilalim ng House Bill (HB) No. 2700 o βFree Electricity for Low-Consumption Households Act,β papalitan ang kasalukuyang cross-subsidy system ng Direct Government Subsidy, kung saan mismong gobyerno ang sasagot sa bayarin.
Kuwalipikado rito ang mga household na may average consumption na hindi lalagpas sa 135 kWh sa loob ng tatlong buwan o may buwanang bill na hindi hihigit sa P2,000, alinman ang mas mababa.
Sakop ng subsidy ang buong bill sa loob ng itinakdang threshold, at hindi na papatawan ng 12% Value Added Tax (VAT) ang subsidized amount.
Ayon kay Rep. Marcos, layunin ng panukala na gawing mas makatarungan, malinaw, at direkta ang pagbibigay ng tulong sa mga nangangailanganβat alisin ang pasanin sa ibang konsyumer.
Sa ilalim ng panukala, magkakaroon ng dalawang taon na transition period habang pinag-aaralan kung tuluyang papalitan ang lifeline rate o pagsasabayin ang mga programa.
Samantala, pinadali na rin ang aplikasyon sa Net-Metering Program at pinalawak ang saklaw ng Lifeline Rate Subsidy Program para mas maraming low-income families ang makinabang.
-bjlc/jpv
