Matapos ipanawagan ni PNP Chief PDG Ronald ‘Bato’ dela Rosa na sumuko na ang nagtatagong pulis na involved sa Mandaluyong “misencounter”, lumutang na kahapon si Sr. Insp. Maria Cristina Vasquez.
Sa ulat na nakarating sa Camp Crame, nag-report na sa NCRPO si Sr. Insp. Vasquez bago mag-alas-11 ng umaga kahapon, matapos itong mag-Absent Without Leave o AWOL mula December 30.
Si Vasquez ang team leader ng mga pulis na involved sa pagbaril sa isang sasakyan na ikinasawi ng dalawa katao at ikinasugat ng dalawang iba pa sa Brgy. Addition Hills, Mandaluyong noong December 28, sa maling pag-aakala na ito ang mga tinutugis na suspek sa naunang insidente ng pamamaril.
Naunang sinabi ni PNP Chief Dela Rosa na ang pagresponde ng mga pulis ay alinsunod sa “performance of their duty”, yun nga lang ay batay sa maling impormasyon ng mga barangay tanod ang kanilang naging aksyon.
Tiniyak naman ni Dela Rosa na pag-aaralan niya kung anong ligal na tulong ang maibibigay niya sa mga pulis na involved.
Paliwanag ng PNP chief, naunawaan niya na ginawa lang ng mga pulis ang kanilang trabaho, pero kailangan talaga silang kasuhan ng homicide sa nangyaring pagkakamali.
Si Vasquez ay isasailalim sa restrictive custody ng PNP kasama ang siyam na iba pang involved na pulis habang nagpapatuloy ang imbestigasyon sa insidente. (Leo Sarne/ Radyo Pilipinas)