Nakakita ang mga eksperto ng pagbaba sa bilang ng bagong kaso ng COVID-19 sa Metro Manila nitong nakaraang dalawang linggo.
Ayon kay Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ito ay base sa average daily attack rate (ADAR) na mula sa 34 cases ay nasa 25 cases nalang per 100,000 population.
Gayunman, mataas pa rin ito sa threshold ng Department of Health (DOH) na 7 out of 100,000 population.
Dahil dito, patuloy pa ring pinapaigting ang kapasidad ng mga healthcare system ng bansa, partikular na sa pagdaragdag ng kama para sa COVID-19.
Sa kasalukuyan, umabot na sa mahigit 33,000 ang COVID-19 beds at nasa mahigit 2,800 ang karagdagang intensive care unit (ICU) beds sa mga pribado at pampublikong ospital.
Patuloy rin ang pagpapaigting sa border controls sa pamamagitan ng pagpapatupad ng travel ban. Kabilang na nga rito ang India, kung saan unang nakita ang bagong SARS-CoV-2 variant na B1617.
Ayon sa DOH, hindi pa nakakapasok sa bansa ang naturang variant.
Samantala, umabot na sa 1.9 milyong indibidwal ang nabakunahan sa Pilipinas, kung saan may 1.6 milyon ang nakatanggap ng unang dose.
Ang naunang batch naman ng bakunang Sputnik V na dumating nitong Sabado ay ipapadala sa Makati, Taguig, Parañaque, Manila, at Muntinlupa. Ito ay maaaring iturok sa mga taong edad 18 hanggang 59. – Ulat ni Mark Fetalco/AG-jlo
Panoorin ang ulat ni Mark Fetalco: