Ang Global Innovation Index (GII) ay nakatakdang maglabas ng pinakabagong ranking ng Pilipinas sa darating na Martes (Set. 21).
Ang GII ay isang publication na taunang inilalabas sa pangunguna ng World Intellectual Property Office (WIPO) kung saan makikita ang innovation performance ng 131 bansa.
Noong 2020 ay nasa ika-50 pwesto ang Pilipinas, mula sa ika-54 na pwesto noong 2019. Hindi naging hadlang ang COVID-19 upang mapaangat ang ranking ng bansa.
“Kami ay natutuwa sapagkat nakikita ang resulta ng mga proyekto at programang ginagawa namin sa Department of Science and Technology (DOST) dahil sa pagtaas ng ranking ng Pilipinas sa GII,” ani Department of Science and Technology (DOST) Sec. Fortunato T. de la Peña.
“Kaya naman kami ay patuloy na nagsisilbi at nagtatrabaho upang maparating ang mga innovation, technologies, at services na makakatulong sa pag-angat ng buhay ng ating mga kababayan.”
Mga aspeto ng GII
May dalawang aspeto na tinitingnan sa GII. Ito ay ang innovation input at output. May limang framework na sinusukat sa innovation input. Ito ang mga institutions, human capital and research, infrastructure, market sophistication, and business sophistication.
Malaki ang kontribusyon ng DOST sa human capital and research kung saan ang Pilipinas ay nagkaroon ng ranking na 70 noong 2020 mula sa 76 noong 2019 at 86 noong 2018.
S&T human resources
Ang pag-angat na ito ay bunga ng pagpapalakas sa science and technology (S&T) human resources at pagtatayo ng mga innovation and research facilities and centers.
Nakatulong din ang pagpapatupad ng DOST ng mga programa tulad ng Balik Scientist Program (BSP) kung saan hinihikayat ang mga Filipino science experts na nasa abroad na bumalik sa Pilipinas upang tugunan ang nangyayaring ‘brain drain’ sa bansa.
Ano ang RDLead?
Bilang pagkilala sa kahalagahan ng tao sa pagsulong ng inobasyon sa Pilipinas at upang patunayan na mayroon ngang inobasyong umiiral sa Pilipinas, bumuo din ang Kagawaran ng Agham at Teknolohiya ng isang programa sa ilalim ng Science for Change (S4C) na tinatawag na Research and Development Leadership o RDLead.
Ang RDLead na ipinatutupad ng National Research Council of the Philippines (NRCP) ay kumukuha ng mga eksperto sa pananaliksik at agham at teknolohiya o RD Leaders upang sanayin at palakasin ang kakayahan ng mga mananaliksik, kaguruan, at tauhan ng mga pampubliko at pribadong mga kolehiyo at pamantasan, institusyon ng pananaliksik, at maging ang mga pambansang sangay ng pamahalaan sa iba’t-ibang rehiyon ng bansa.
Ang pagsasanay na ibinibigay ng mga ekspertong kinukuha ng RDLead ay naglalayong matulungan ang maraming mananaliksik sa bansa na makapagsimula ng iba’t-ibang gawaing pananaliksik na tutugon sa pangangailangan ng kanilang mga komunidad, rehiyon, at maging ng buong bansa.
Isa din sa layunin ng programa ang matulungan ang mga bago at nagsisimulang mga institusyon sa larangan ng pananaliksik na makakuha ng mga suportang ibinibigay ng pamahalaan na mag-aambag sa isang inklusibong sistema ng pananaliksik sa buong bansa.
Dahil dito, mas maikakalat ang pagbabahagi at paggamit ng mga suporta at tulong na maaaring ibigay ng pamahalaan sa mga nagnanais na mapataas ang kanilang kakayahan sa pananaliksik.
Sa darating pang mga taon, inaasahang mas marami ng institusyon at mananaliksik sa iba’t-ibang bahagi ng Pilipinas ang makikilahok at mag-aambag sa mga gawain upang isulong ang pananaliksik at inobasyon sa buong bansa, na siguradong makakatulong pa sa pagpapataas ng antas ng inobasyon sa Pilipinas. Ito ay siguradong makatutulong sa patuloy pang pag-angat ng ranggo ng bansa sa GII.
S&T Fellows Program
Ngayong taon ay inilunsad ng DOST ang S&T Fellows Program. Layunin naman nito na mapalakas ang human resource capability sa loob mismo ng ahensya sa pamamagitan ng pagha-hire ng mga S&T Fellows na maa-assign sa iba’t-ibang Research and Development Institutes (RDIs) at Councils.
Ang DOST-Science Education Institute (SEI) naman ay patuloy na nagbibigay ng mga graduate scholarship programs tulad ng Accelerated Science and Technology Human Resource Development Program (ASTHRDP) at Engineering Research at Development for Technology (ERDT). Sa nakalipas na apat na taon, meron nang mahigit 500 MS at PhD graduates kada taon.
Dahil sa pandemya na dulot ng COVID-19, nakita na mahalaga ang papel na ginagampanan ng mga science experts upang makapagbigay ng naaangkop na rekomendasyon at solusyon sa malaking hamon na ito. Inaasahang ang mga graduates mula sa scholarship programs ng DOST-SEI ang pangunahing makikinabang sa bagong proyekto.
Mula sa mga nabanggit na mga programa ay kitang-kita ang daan at layunin na lalong mapalakas ang S&T human resources sa Pilipinas.
Ang GII ay nagbibigay ng mga insightful na data upang tulungan ang mga bansa na suriin ang kanilang performance ayon sa world standard. Ito ay upang gabayan ang iba’t-ibang stakeholders sa pagpa-plano ng iba pang mga innovative and development programs.
Ang GII ay co-published ng Cornell University, INSEAD, at World Intellectual Property Organization (WIPO).
Sa Martes (Set. 21), sa isang virtual press conference sa pangunguna ng DOST, ihahayag ng mga opisyal ng WIPO ng marka (o score) ng Pilipinas sa 2021 GII report sa larangan ng inobasyon, kumpara sa 132 na bansa sa buong mundo.
Panoorin ito ng live sa PTV broadcast at sa livestream ng Facebook pages ng DOST at PTV, mula 9:00-10:30a.m. (DOST) – jlo