Nakikipagtulungan ang pamunuan ng MRT-3 sa pulisya matapos ang insidente ng vandalism sa isa nitong tren noong Miyerkules ng gabi.
“Mayroon tayong nakatalaga sa NCRPO [National Capital Region Police Office] na mga pulis na de-deploy sa iba’t-iba nating MRT at LRT area stations,” ani PNP chief Gen. Guillermo Eleazar.
“Tutulong tayo sa pagsasagawa ng imbestigasyon, at kung malaman natin kung sino responsible dito, pa-file-an natin ng kaso,” dagdag niya.
Nakita rin ng mga awtoridad na butas ang bakod o cyclone wire fence ng MRT-3 sa pagitan ng Magallanes at Taft Ave. station, kung saan kayang lumusot ang isang tao.
Ayon sa pamunuan ng MRT-3, ongoing ang upgrading sa kanilang mga CCTV sa lugar kung nasaan ang bakod.
Maging ang mismong pagsulat sa tren ay hindi nahagip sa CCTV dahil masyado itong malayo sa platform kung nasaan ang camera. Dinala sa depot ang tren upang isailalim sa repainting.
Humiling ang pamunuan ng MRT-3 na karagdagang guwardiya para bantayan ang mga pasahero at mga bakod nito.
Ito ay matapos ang sunod-sunod na insidente ng mga pasaway sa MRT-3, kabilang ang pagbaba ng isang lalaki sa riles upang mag-selfie. – Ulat ni Karen Villanda/AG-jlo
Panoorin ang ulat ni Karen Villanda: