Bumaba ang bilang ng mga kaso ng morbidity at mortality ng dengue sa bansa ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Base sa kanilang datos, nakapagtala ang Pilipinas ng mahigit 21,000 na kaso ng dengue mula 1 ng Enero hanggang 17 ng Abril. Ito ay 56% na mas mababa sa mahigit 49,000 na kaso sa kaparehong panahon noong 2020.
Nasa 55% naman ang ibinaba ng bilang ng mga namatay sa dengue, o 80 katao mula sa 179 noong nakaranag taon.
Ayon kay Ailene Espiritu ng DOH – Disease Prevention and Control Bureau, ang pagbaba ng kaso ay dahil sa pagpapatupad ng enhanced 4S Strategy o Search and Destroy, Self-Protection Measures, Seek Early Consultation, and Support Fogging or Spraying.
Ito’y kasabay rin ng pagpapatupad ng mga community quarantine sa bansa.
Nanawagan naman ang ahensya sa publiko na panatilihing malinis ang kanilang kapaligiran ngayong papalapit na ang tag-ulan.
“Ngayon po na paparating na po ang tag-ulan, kailangan bantayan na po natin ang ating kapaligiran para hindi po dumami ang ating mga lamok,” ani Espiritu.
“Kasi inaasahan po natin sa panahon ng tag-ulan which is July, August, up until September, diyan dadami ang kaso ng ating dengue,” dagdag niya. – Ulat ni Mark Fetalco/AG-rir
Panoorin ang buong ulat: