Oportunidad sa trabaho at pagnenegosyo ang iaalok sa mga komunidad sa susunod na taon sa paglulunsad ng Trabaho, Negosyo, Kabuhayan (TNK) sa kanayunan.
Sa ginanap na 17th National Public Employment Service Office (PESO) Congress sa Cauayan, Isabela, sinabi ni Labor and Employment Secretary Silvestre H. Bello III na ganap nang ilulunsad ang TNK sa 2018 matapos ang inisyal na implementasyon ngayong taon.
Binibigyang-pansin sa pagpupulong ngayong taon ang mahalagang tungkulin ng PESO na may temang “Trabaho, Negosyo at Kabuhayan–Matatag na PESO, Kaagapay ng Bawat Pilipino,” na naglalayong mas palakasin ang pagbibigay ng empleo at kunin ang suporta mula sa mga lokal na pamahalaan.
Inilatag ang TNK 2018 calendar of activities bilang resulta ng pinagsamang pagpupulong ng regional director ng Department of Labor and Employment (DOLE) at ng Department of Trade and Industry (DTI) para sa paglalapit ng mga programa sa pamayanan.
Sinabi ni Bello na ang paglikha ng empleo at pagsusulong ng pangkabuhayan ay pinagsamang layunin na nangangailangan ng magkasamang gawain.
“Kinakailangan na tiyakin ang pakikilahok ng lokal na pamahalaan, sa pamamagitan ng regional action plan, upang gawing lokal ang Blueprint for Decent Employment and Entrepreneurship,” dagdag niya.
Ang blueprint, na binuo noong Disyembre 2016, ay naglalayong makamit ang full employment ng 2022 sa paglikha ng 7.5 milyong trabaho sa key employment generating sectors (KEGS).
“Ito ay makakamit sa patuloy na pag-anyaya sa pamumuhunan na makakalikha ng trabaho na naayon sa mga mahihirap at may mababang kakayahang manggagawa partikular sa KEGS tulad ng manufacturing, construction, tourism, IT-BPM, transportation and logistics, at wholesale and retail,” ani Bello.
Hinihikayat ang publiko na makilahok sa mga programa ng TNK, tulad ng jobs at business fairs; TNK roadshows; policy forum; seminars and workshops on employment, entrepreneurship, and livelihood; gayundin ang consumer advocacy and education.
Para sa 2018, ang TNK job and business fairs ay nakatakdang ganapin sa mga sumusunod:
Pebrero 2018 – CAR (Apayao); Region 1 (Pangasinan); at Region 2;
Marso 2018 – CAR (Abra); Region 3; at Region 10 (Malaybalay, Bukidnon);
Abril 2018 – CAR (Mt. Province); at Region 6 (Aklan and Capiz);
Mayo 2018 – Labor Day TNK sa National Capital Region (NCR), Region 2, Region 8, Region 10, Negros Island Region; Region 3, Region 4B, Region 6, Region 9; CAR (Baguio City); Region 1(Laoag, Urdaneta, and Lingayen in Pangasinan); Region 4A; Region 5 (Legaspi City, Albay); Region 11 (Davao); Region 12; at Region 13 (Butuan City);
Hunyo 2018 – Araw ng Kalayaan TNK sa NCR, Region 2, Region 8, Region 9, Region 10, Region 12, Negros Island Region (NIR), R4B, R11; CAR (Ifugao and Kalinga); Region 3 (Malolos, Bulacan); Region 5 (Masbate); at CARAGA (Agusan del Sur, Agusan del Norte, and Surigao del Norte);
Hulyo 2018 – Region 5 (Catanduanes);
Agosto 2018 – Region 1 (Vigan, Ilocos Sur); Region 10 (Cagayan de Oro);
Setyembre 2018 – Region 1 (Laoag, Ilocos Norte); Region 10 (Iligan);
Oktubre 2018 – TNK Consumer Welfare Month sa NCR, Region 2, Region 6, Region 8, Region 9, Region 11, CARAGA, NIR; Region 4B (Palawan, Romblon, and Marinduque); at Region 10 (Camiguin);
Nobyembre 2018 – Region 1 (Dagupan, Pangasinan); Region 4A; Region 4B (Occidental at Oriental Mindoro); Region 12; at NIR;
December 2018 – NCR
Hinihikayat ang publiko na magpunta sa pinakamalapit na PESO sa kanilang lugar o tingnan ang online portal, PhilJobNet sa http://philjobnet.gov.ph/ para sa mga impormasyon sa gaganaping TNK job and business fair. (DOLE-PR)