By Jasmine B. Barrios
Sa tinagal-tagal ng panahon, nitong pandemya lamang nagkaroon ang buong mundo, kasama ang Pilipinas, ng malawakan at agresibong pagbabakuna upang masugpo ang mabilis ng pagkalat ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Sa ating bansa, sinisiguro ng pamahalaan na magiging matagumpay at epektibo ang pagtugon sa pandemyang dulot ng COVID-19 sa pamamagitan ng whole-of-government, whole-of-system, at whole-of-society approach. Ibig sabihin, magkatuwang ang pamahalaan, pribadong sector, at mga non-government organizations sa pagsupil sa pandemya.
Kasama rito ang pagpapataas ng kumpiyansa ng publiko sa mga ginagamit na vaccines, kahit ano pa man ang tatak o “brand” nito o bansang pinagmulan ng mga ito. Sa tulong ng whole-of-society approach, tinitiyak na ang lahat ng kilos at inisyatibo sa pambansang pagbabakuna laban sa COVID-19 ay ginagabayan ng mga eksperto sa larangan ng kalusugan at medisina.
Sa kabuuan, ang National Deployment and Vaccination Plan for COVID-19 ng bansa ay nahahati sa pitong primary chapters na saklaw ang siyentipikong pagsusuri at pagpili sa mga bakuna, hanggang sa monitoring at assessment ng mga taong nabakunahan na.
Sa bawat hakbang ng national vaccination program, limang independiyenteng pangkat ng mga eksperto ang patuloy na gumagabay sa lahat ng aspeto ng pagbabakuna upang matiyak na ang lahat ng inisyatibo, rekomendasyon, at patakaran ay naaayon sa mga prinsipyo ng agham at ebidensya.
Ang Vaccine Expert Panel ay binubuo ng siyam na dalubhasa sa larangan ng adult and pediatric infectious diseases, microbial immunology, immuno-epidemiology, medical microbiology, pharmaceutical research and development, quality systems, biostatistics, at public health.
Ang grupong ito ang nagsusuri at nag-aaral ukol sa kaligtasan, kalidad, at efficacy ng mga bakuna na gagamitin sa bansa. Mula sa kanilang pagsusuri, bubuo sila ng mga teknikal na rekomendasyon at evaluation na kanilang ipapasa sa Vaccine Cluster at sa Philippine Food and Drug Administration (FDA), bilang suporta sa proseso ng vaccine selection at evaluation.
Ang Health Technology Assessment Council (HTAC) ay isang independent advisory body na nagbibigay ng gabay sa coverage at pagpopondo para sa mga health interventions, base sa Republic Act No. 11223 o Universal Health Care (UHC) Act.
Ang pangkat na ito ang nagsasagawa ng evaluation ng health technologies na posibleng gamitin sa bansa at maaaring bilhin ng gobyerno.
Ito ay binubuo ng siyam na core committee members mula sa iba’t-ibang larangan ng ethics, public health, public health epidemiology, clinical trial/research methods, socio-anthropology, medico-legal, clinical epidemiology/evidence-based medicine, at health economics. Sila ay gumagawa ng rekomendasyon para sa mga policy makers.
Ang HTAC ay may pitong subcommittees:
1) Drugs,
2) Vaccines,
3) Medical and surgical procedures,
4) Clinical equipment and devices,
5) Traditional medicine,
6) Preventive and promotive health, at
7) Other health technologies.
Ang mga subcommittees na ito ang nagsasagawa ng mga initial na pagsusuri sa mga ulat ng HTAC.
Ang Interim National Immunization Technical Advisory Group (NITAG) at Technical Advisory Group (TAG) ang expert panel na binubuo ng mga vaccine trialists, public health experts, health social scientists, clinical epidemiologists, at mga infectious disease specialists.
Ang grupong ito ang nagbibigay ng rekomendasyon kung paano i-prioritize at i-allocate ang mga bakuna laban sa COVID-19, pati na rin kung paano mapapatupad ng matiwasay ang vaccination program. Ang TAG rin ay tumutulong sa pagbuo ng mga patakaran para sa ating COVID-19 response.
Kung mayroong mga kritikal na isyu ukol sa bakuna, nagpupulong ang NITAG upang makapagbigay ng rekomendasyon kung paanong mahusay na tugunan ito. Kung kinakailangan, nagpupulong ang NITAG at TAG upang magbigay ng karagdagang kaalaman sa mga gumagawa ng patakaran.
Ang National Adverse Events Following Immunization Committee( NAEFIC) naman ang nagsasagawa ng causality assessment sa mga adverse events following immunization (AEFI).
Patuloy ang pakikipag-ugnayan ng Kagawaran ng Kalusugan (Department of Health) sa mga independent expert groups, at makakaasa ang publiko na patuloy ang kanilang pag-gabay sa vaccine rollout ng buong bayan para sa ikabubuti at kaligtasan ng lahat ng mamamayang Filipino.
Iginugugol ng mga eksperto ang kanilang oras, dunong, at kadalubhasaan para sa kaligtasan ng bawa’t isa at husay ng pambansang pagbabakuna, tungo sa ligtas na pagsupil ng peligro ng COVID-19.