By Racquel Bayan | Radyo Pilipinas
Nasa 12,000 vaccination sites sa buong bansa ang nakikibahagi sa isinasagawang “Bayanihan, Bakunahan” simula ngayong araw hanggang bukas, February 11.
Kabilang sa mga ito ang mga pharmacy na una nang naging kabalikat ng pamahalaan sa Resbakuna sa Botika, maging ang mga paaralan na mayroong vaccination sites.
Sa briefing ng Laging Handa, sinabi ni National Task Force (NTF) Medical Adviser Dr. Ted Herbosa na hahabulin ng pamahalaan na maiakyat sa 70 milyong mga Pilipino ang fully vaccinated na laban sa COVID-19 sa pagtatapos ng Marso.
Aniya, posible ring ma-extend o palawigin pa ang isinasagawang National Vaccination Days tulad ng mga naunang malawakang bakunahan.
Nakadepende aniya ito sa hawak na COVID-19 vaccines ng mga local government unit, at hangga’t mayroon pang mga nais magpabakuna.
Base sa pinakahuling tala ng NTF, nasa 59.8 million na ang mga Pilipinong fully vaccinated laban sa COVID-19. (Radyo Pilipinas) -rir