By Christine Fabro
Kinilala ang mga natatanging programa at personalidad mula sa People’s Television Network (PTV) sa ginanap na Gandingan 2021 ng University of the Philippines Community Broadcasters’ Society (UP ComBroadSoc) ng UP-Los Baños (UPLB) noong Sabado (Mayo 22).
Nakamit ng Iskoolmates ang Most Development-oriented Youth Program kung saan itinampok nito ang isang dokumentaryo tungkol sa pagsasabatas ng Anti-Terrorism Bill sa bansa.
Tinanghal namang Gandingan ng Kabataan sina Gab Bayan, Tricia Bersano, at Sky Quizon ng Iskoolmates.
Ginawaran din ng pagkilala bilang Most Development-oriented Magazine Program ang morning show na Rise and Shine Pilipinas, at Most Development-oriented Documentary ang Alerto: The 2019 NCOV Special.
Ang Gandingan 2021: The UPLB Isko’t Iska’s Multi-media Awards ay may temang “Midya: Kaagapay ng Bayan sa Pagharap sa Krisis sa Pampublikong Kalusugan.”
Ayon sa UP ComBroadSoc, “Pinararangalan ng Gandingan ang mga natatanging programa, personalidad, istasyon, at iba pang plataporma ng midya na nagbibigay diin sa komunikasyong pangkaunlaran at walang tigil na naghahatid ng makabuluhang impormasyon para sa bayan.” –rir