
By Jasmine B. Barrios
Isang linggo matapos umpisahan ang pagbabakuna laban sa Coronavirus disease o COVID-19 para sa mga economic frontliners o ang mga taong pasok sa kategorya ng A4, ang mga mamamayang napapabilang naman sa A5 o mahirap na sektor ang siyang isinunod ng mga lokal na pamahalaan sa Kalakhang Maynila at ibang lugar sa Pilipinas. Ito’y nagaganap habang patuloy pa rin ang pagbabakuna sa mga health frontliners (A1), senior citizens (A2), at mga taong may co-morbidities (A3).
Lagpas limang milyong katao na (5.068 million as of June 13, 2021) ang nagpabakuna mula sa iba’t ibang sektor pero marami pa rin ang nag-aatubiling magpunta sa vaccination facility dahil sa mga pagdududa sa mga uri ng bakuna mismo pati na rin sa takot para sa pansariling kalagayan ng kalusugan.
Kaya naman, minabuti ng Department of Health (DOH) na magbigay-linaw sa mga pangkaraniwang agam-agam na ito.
Gaano kaligtas ang mga bakunang ginagamit laban sa COVID-19?
Lahat ng bakunang inaprubahan ng Food and Drugs Administration (FDA) at nabigyan ng emergency use authorization (EUA) sa Pilipinas ay epektibo upang maiwasan ang pagpapa-ospital dahil sa malalang sintomas at pagkamatay mula sa COVID-19.
Pinag-aralan at sinuring mabuti ng FDA ang kaligtasan ng lahat ng bakuna sa COVID-19. Natukoy na ang lahat ng magagamit na datos para sa bawat bakuna ay nagbibigay ng malinaw na ebidensiya na ang mga kilala at potensyal na benepisyo ay nahihigitan ang kilala at potensyal na mga panganib ng paggamit ng bawat bakuna.
Kaya naman, maaaring ibigay ang mga ito sa sinumang karapat-dapat makatanggap ng bakuna sa COVID-19. Sa ngayon, ang kasama sa priority groups A1, A2, A3, A4 pati na A5 ay maaaring magpabakuna.