Ilang mga senador ang nanawagan ng transparency mula sa gobyerno sa usapin ng pagbili ng bakuna, matapos iulat ng Department of Budget and Management na kakailanganin ng bansa ang dagdag na pondo na pambili ng karagdagang COVID-19 vaccines.
Ayon sa mga senador, kailangang magkaroon ng oversight hearing ang Senado tungkol sa vaccine procurement ng gobyerno dahil anila, sapat ang ₱82.5 bilyon na nakalaan sa pagbili ng mga bakuna sa ilalim ng 2021 national budget at Bayanihan 2 law.
“Kailangang busisiin ang mungkahi na ito at nang maliwanagan ang publiko sa dagdag na gastos,” saad ni Sen. Francis Pangilinan.
Aniya, trabaho ng Senado na busisiin ang paggastos ng gobyerno at malaman kung saan napupunta ang kaban ng bayan.
Tinanong din ni Pangilinan kung bakit nagkulang ang kasalukuyang budget at kung saan napupunta ang pondong nakalaan para sa pagbili ng mga bakuna.
“We need to be clarified on the current disbursements and spendings, that’s why it’s important to convene the Senate Committee of the Whole. Nag-iisa lang ang layunin natin dito: paano pa mas mapapabilis ang vaccine roll-out para maabot ang ating mga kababayan,” dagdag niya.
Ayon naman kay Sen. Panfilo Lacson, maaari namang lumabis ang supply ng bakuna kung dadagdagan pa ng ₱25 bilyon ang kasalukuyang pondo.
“I hope they can be more transparent para sabihin na ito ang estado ng ₱82.5 billion, nag-down tayo sa Moderna ng ganito, nag-down tayo sa Sinovac ng ganito, at naka-commit na tayong bayaran ang ganito,” saad ni Lacson.
Giit naman ni Sen. Joel Villanueva, kailangan aniya ng scoreboard o talaan ng mga nabakunahan na sa A4 category upang makita ng gobyerno ang estado ng pagbangon ng ekonomiya.
“Kailangan po natin ng malinaw na talaan kung nasaan na nga ba tayo pagdating sa pagbabakuna sa ating mga essential workers at economic frontliners,” aniya.
Ayon sa mambabatas, nasa mahigit 3.5 milyon ang essential frontline workers ng bansa, kung saan nasa 4,559 katao pa lamang ang nabakunahan ng first and second dose noong Hunyo 6.
Kasama sa mga pinaglalaban ng senador na masama sa prayoridad ng pagbabakuna ay ang mga nagtitinda sa palengke, mga nagta-trabaho sa supermarket, security personnel, public utility vehicle (PUV) drivers, sanitation workers o mga basurero, at public utility employees.
– Ulat ni Eunice Samonte / CF- jlo
