Sambayanang panalangin para sa laban kontra COVID-19, isasagawa bukas (Mayo 30).
Ang inisyatibo ni Pangulong Rodrigo Duterte na ‘The Whole Nation Pray As One, Heal As One’ na naglalayong mailapit sa Diyos ang publiko bilang isang bayan ay magsisimula sa ganap na 3:00 n.h. hanggang 6:00 n.h.
Ayon kay Dr. Grepor Butch Belgica, ang Presidential Adviser for Religious Affairs, naniniwala siya na ang Diyos lamang ang may kakayahang iligtas ang lahat mula sa pandemyang kinakaharap ng sanlibutan.
Siya aniya ang susi para maibalik ang sigla ng ekonomiya at upang magkaroon ng kapayapaan sa buong bansa.
Inaasahang nasa sampung libong volunteers ang makikilahok sa sambayanang panalangin na ito, kasama ang local government units (LGUs), mga sektor at ahensya ng gobyerno, iba’t ibang samahang pang-relihiyoso, anuman ang relihiyon at uri ng pananampalataya.
Ang sambayanang panalangin na ito ay mapapanood nang live sa lahat ng government media sites gaya ng People’s Television Network (PTV).
“Ito ay very consistent sa ating preamble, na as a nation regardless of ating katatayuan, regardless ng lugar natin, anumang relihiyon, anumang tribo, anumang katatayuan sa lipunan, saan mang sektor, ang hikayat po natin ay makibahagi po tayo rito,” saad ni Lighthouse Bible Baptist Church Bishop Reuben Abante.
Ikinatuwa rin naman ito ni Bishop Efraim Tendero, ang Secretary-General ng World Evangelical Alliance, dahil aniya, mas napalapit ang mga Pilipino sa Panginoon at sa kanilang pananampalataya bunsod ng pandemyang COVID-19. – Ulat ni Joy Catleya Jardenil / CF-rir