PR
Isasara sa loob ng isang buwan sa mga sasakyan ang Sevilla Bridge sa Mandaluyong para bigyang daan ang konstruksyon nito, ayon sa anunsyo ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
“Ang tulay na dumadaan sa San Juan River at kumokonekta sa Shaw Boulevard sa Burol, Mandaluyong at P. Sanchez Street sa Sta. Mesa, Maynila ay isasara 10pm simula Marso 14 (Sabado). Hanggang Abril 14 ang total closure ng Sevilla Bridge,” anunsyo ni MMDA General Manager Jojo Garcia sa isang pulong balitaan sa tanggapan ng MMDA sa Makati.
Ani Garcia, ang pagsasara ng tulay para bigyang daan ang konstruksyon ng Skyway Stage 3 project, isang elevated expressway na magdudugtong sa Buendia sa Makati hanggang Balintawak sa Quezon City. Ang gagawing elevated expressway ay may habang 18.68 kilometro.
“Magpapatupad ng one-way traffic scheme sa papuntang Maynila tuwing 5am sa loob ng isang buwan,” ani Garcia.
Bawal ding dumaan sa Valenzuela-P. Sanchez intersection papuntang Shaw Boulevard ang mga trucks.
Nasa 30,000 hanggang 40,000 motorista ang inaasahang maaapektuhan ng isang buwang konstruksyon ng Sevilla Bridge.
Inaabisuhan ang mga mula Maynila na dumaan sa alternatibong ruta:
Kanan sa Bagumbayan, at;
Kaliwa sa Lubiran (Bacood Bridge) patungong New Panaderos papunta sa destinasyon.
Samantala, inanunsyo rin ni Garcia na bukas na sa mga motorista ang Old Sta. Mesa Bridge.
